FACT CHECK: Peke ang mga post tungkol sa 'nationwide hiring' umano ng isang sanglaan | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

FACT CHECK: Peke ang mga post tungkol sa 'nationwide hiring' umano ng isang sanglaan

FACT CHECK: Peke ang mga post tungkol sa 'nationwide hiring' umano ng isang sanglaan

ABS-CBN Investigative and Research Group

 | 

Updated Dec 13, 2024 09:18 PM PHT

Clipboard

Peke at hindi totoo ang mga post tungkol sa diumano’y “nationwide hiring” ng isang pawnshop na ibinahagi sa Facebook page na “Government Hiring Updates.”

Ayon sa mga post, marami umanong bukas na posisyon sa iba’t ibang sangay ng Palawan Pawnshop. Bukas umano ang mga posisyon na ito sa mga aplikante na high school graduate, na walang karanasan, at sa anumang edad. Sinasabing ang buwanang sahod ay P20,550 at may benepisyo tulad ng libreng pagkain, libreng cellphone, at allowance.

Pinasinungalingan ng Palawan Pawnshop ang nasabing mga mapanlinlang na Facebook post sa isang pahayag na ipinadala nito sa ABS-CBN Fact Check.

“Please be informed that we are not affiliated with the Facebook post you are referring [to],” saad sa statement na ipinadala ng pawnshop.

ADVERTISEMENT

Kalakip din ng mga nasabing post ang isang link kung saan maaari umanong mag-apply ang mga interesadong aplikante. Kung pipindutin ito, mapupunta ang user sa isang website na may pangalang “PRC BOARD NEWS AND UPDATE” at URL na “www.prcboards.com”.

Sa nasabing website, matatagpuan ang diumano’y job application form na humihingi ng mga personal na impormasyon tulad ng buong pangalan, e-mail address, numero ng telepono, at resume.

Nauna nang sinabi ng Professional Regulation Commission (PRC) na impostor ang website na “PRC BOARD NEWS AND UPDATE” at URL na “www.prcboards.com.” Ayon sa ahensiya, ang mga ito ay walang kinalaman sa kanila.

“PRC therefore is not accountable for the accuracy, veracity, or content of any information provided or appearing from the said sources as they are not officially published by the PRC,” pahayag ng PRC sa isang public advisory sa kanilang opisyal na website. 

Bukod pa rito, gumagamit ng “.gov.ph” ang lahat ng opisyal na website ng mga ahensiya ng gobyerno ng Pilipinas, kabilang ang PRC. 

Hindi ito ang unang beses na na-fact check ng ABS-CBN ang mga maling impormasyon tungkol sa mga job opening at application. 

Kung kayo’y may alam na kahina-hinalang social media page, group, account, o website, artikulo, larawan, o impormasyong ipinapakalat sa mga messaging app, maaring makipag-ugnayan sa aming email factcheck@abs-cbn.com o X (formerly Twitter) account @abscbnfactcheck.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.