ALAMIN: Bakit delikado ang pag-inom ng antibiotics nang walang reseta? | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

ALAMIN: Bakit delikado ang pag-inom ng antibiotics nang walang reseta?

ALAMIN: Bakit delikado ang pag-inom ng antibiotics nang walang reseta?

ABS-CBN News

Clipboard

MAYNILA - Alam ni Purificacion Santos na dapat kinukumpleto ang pag-inom ng antibiotics. Iyon nga lang, ang kaniyang pag-inom, hindi rin base sa reseta ng isang doktor.

Kapag may ubo, antibiotics ang kaniyang itinuturing na lunas. Minsan, kahit nga sugat, antibiotic pa rin ang kaniyang gamit.

"Nagkasugat ako, umano rin ako ng antibiotic na amoxicillin. Minsan iniinom ko o kaya binubudbod ko sa sugat. Nakakagaling naman. Ilang araw lang kasi pag nilagyan mo, tuyo na eh," ani Santos.

Ang kaniyang kapatid na si Carlito Gabriel, tila ginagawa ring pain reliever ang antibiotic para sa sakit ng likod.

ADVERTISEMENT

"Pag meron akong pera bibili ako ng kahit isang amoxicillin. Natatanggal naman eh. Sabi nila hindi raw 'yun ang gamot. Eh sa 'kin naman, 'yun ang nakakapagpatanggal eh. Di ba kung ano 'yung nakakagaling, 'yun ang bibilhin mo?" ani Gabriel.

Babala ng mga eksperto na delikado ang mga ganitong gawain dahil kung tuloy-tuloy ang maling gamit ng mga antibiotic, maaaring mag-develop ng anti-microbial resistance ang isang tao.

Ibig sabihin, darating ang puntong hindi na kayang labanan ng antibiotic ang bacteria na nagdudulot ng sakit.

Ang epekto, hindi na tumatalab ang antibiotics at posibleng umabot sa punto na mas matapang na na antibiotics ang kailangang inumin.

Base sa 2021 report ng Antimicrobial Resistance Surveillance Program, ilang bacteria na ang natuklasang resistant o hindi na tinatablan ng antibiotics.

ADVERTISEMENT

Halimbawa sa mga bacteria, ang streptococcus pneumoniae na nagdudulot ng pneumonia, na tumaas ang resistance sa halos lahat ng antibiotic maliban sa penicillin.

Nakikita na ring resistant sa ilang antibiotic ang non-typhoidal salmonella bacteria na nagdudulot ng pagtatae.

Noong 2019, idineklara ng World Health Organization ang Anti-microbial Resistance bilang isa sa mga banta sa public health na kinakaharap ng mundo.

At kung hindi tututukan ang problema nito, maaaring umabot sa 10 million ang mamatay kada taon bunsod ng mga anti-microbial resistant na mga sakit pagdating ng 2050.

"Kung magtutuloy-tuloy nang ganito, dadating tayo sa point that even when another pandemic happens like COVID-19, mahihirapan tayo to cure itong mga sakit na infectious in nature because of the resistance to these drugs that we have better access to ngayon," ani Department of Health officer-in-charge Maria Rosario Vergeire.

Payo ng mga awtoridad na mainam na kumonsulta muna sa health center para mabigyan ng tamang abiso kung paano tutugunan ang isang impeksiyon.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.