Mga patakaran sa Anti-Distracted Driving Act, nilinaw na | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Mga patakaran sa Anti-Distracted Driving Act, nilinaw na

Mga patakaran sa Anti-Distracted Driving Act, nilinaw na

ABS-CBN News

 | 

Updated Jun 15, 2017 02:21 AM PHT

Clipboard

Inilabas na ang implementing rules and regulations (IRR) ng Anti-Distracted Driving Act at nakatakda nang ipatupad sa unang linggo ng Hulyo ang mas malinaw na mga alituntunin ng batas.

Nilinaw sa IRR ng Republic Act 10913 na ang paghawak at paggamit ng cellphone, navigational apps, at entertainment gadgets lamang ang mahigpit na ipinagbabawal.

Dagdag pa rito, bawal hawakan at gamitin ang cellphone para tumawag o tumanggap ng tawag at mag-text kahit nakatigil ang sasakyan sa stoplight. Emergency calls lang ang papayagan pero kung kinakailangan, itatabi muna ang sasakyan.

Maaari namang gumamit ng earphones at microphones para makatanggap ng mga tawag o para marinig ang mga navigational instructions gaya ng sa Waze.

ADVERTISEMENT

Tinutumbok naman ng batas na dapat klaro ang windshield at walang isasabit at ilalagay sa dashboard. Kung maglalagay man, hindi ito dapat lalagpas sa sukat na apat na pulgada mula sa baba ng dashboard.

Hindi rin sakop ng batas ang mga dash cam ngunit mahigpit na inirerekomenda ng mga awtoridad na isabit ito sa likod ng rearview mirror.

Hindi rin bawal ang mga religious items at abubot tulad ng pusang kumakaway, seven dwarfs, mga asong taas-baba ang ulo, at iba pa. Pinapayagan na rin ang pagsabit ng coffee cup holders.

Puwede ring magkape, mag-makeup at iba pang aktibidad dahil hindi ito pasok sa batas.

“Hindi ‘yan kasama sa batas na nilabas ng Congress. Mangangailangan ng iba at bagong batas para ma-address ang ibang mapapatunayan na distraction. Pero sa ngayon, hindi bawal ang mga ‘yan,” paliwanag ni Martin Delgra ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

ADVERTISEMENT

Nitong linggo ipalilimbag na ng Department of Transportation (DOTr) sa mga pahayagan ang IRR ng naturang batas. Matapos ito, bibilang ng 15 araw, at epektibo na ang batas.

Sakop ng batas ang pribado at pampublikong sasakyan sa buong bansa kasama ang mga kuliglig, motorsiklo, bisikleta, pedicab, trolley, habal-habal, kalesa, at kariton.

“As long as you are behind the wheel, the law will apply,” ayon kay DOTr Assistant Secretary Leah Quiambao.

Ang DOTr, LTFRB, Land Transportation Office (LTO), Philippine National Police-Highway Patrol Group, at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga awtorisadong manghuli sa mga lalabag sa batas.

Gagamitin ng MMDA ang no-contact apprehension policy sa pagpapatupad ng batas.

ADVERTISEMENT

Unang ipinatupad ang batas nung Mayo 18 ngunit nagkagulo sa pag-intindi ng batas ang mga motorista.

Absuwelto naman at hindi na pagbabayarin ang mga naunang nahuli sa CCTV ng MMDA, ngayong may revised IRR na.

Bagaman binago ang IRR, hindi naman nabago ang multa at parusa sa mga lalabag sa batas.

“Hindi ito sa panghuhuli lang, dapat malaman ng lahat na ang iniiwasan ay ang mga aksidente. Paalala lang sa mga violators, hindi sa enforcer magbabayad kundi sa nearest LTO or MMDA office or sa Bayad Center para maiwasan ang corruption,” ani Edgar Galvante ng LTO.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.