Bakit masama ang sobrang pagtulog? | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Bakit masama ang sobrang pagtulog?

Bakit masama ang sobrang pagtulog?

ABS-CBN News

Clipboard

Hindi mabuti sa kalusugan ang kulang sa tulog, pero ayon sa isang eksperto, may masama ring epekto kung sobra-sobra ang pagtulog.

"Ang karaniwan dapat ang tulog natin higit sa 5 hours, tapos hindi dapat lalagpas din sa nine hours, kasi kapag lumagpas, nakakasama rin sa kalusugan natin," paliwanag ni Dr. Patrick Gerard Moral, isang eksperto sa sleep medicine at associate professor sa UST Faculty of Medicine and Surgery.

Ipinaliwanag din ni Moral sa programang "Ma-Beauty Po Naman" ng DZMM ang kadalasang epekto sa katawan kapag kulang o kaya nama'y labis ang pagtulog.

"Kapag kinulang ang tulog, maaaring magka-epekto sa korte ng katawan natin... pati balat maaaring maapektuhan din," ani Moral.

ADVERTISEMENT

Sabi rin ni Moral, gumaganda ang daloy ng dugo kapag sapat ang tulog kaya naman mainam itong pangontra-dagdag timbang at pang-iwas pangingitim ng ilalim ng mata pati na rin ang "eyebags."

"Tapos puwede rin, kapag kulang sa tulog, dumadami ang tinatawag na cortisol, 'yan ay parang steroid ng katawan natin, kapag dumami 'yon, tumataas ang presyon, puwedeng mag-break out ang balat, hindi maging smooth. Pati sa gabi, doon nagagawa ang collagen, kaya paggising mo mas maganda ang laman ng pisngi mo rin."

Pero kung lagi namang higit sa siyam na oras ang tulog, maaaring tumaas din ang tiyansang magkaroon ng sakit.

"Mas naninigas ang artery kapag sumosobra ang tulog din... Kahit ano'ng bagay sa buhay, lahat in moderation," ani Moral. "Mas higher risk for cardiovascular [diseases], mga karamdamang tungkol sa puso at mga ugat natin."

MAHIMBING NA TULOG

Para matiyak ang sapat na tulog sa isang araw, maaaring mag-"power nap".

ADVERTISEMENT

"Puwede mong hatiin ang araw mo sa tatlo, kapag gumising ka, bumilang ka ng walong oras, makalipas ang walong oras doon ka magna-nap. Huwag mo lang palalampasin ito ng isang oras. Maganda mga 20-30 minutes lang, 'yan ang pinakamagandang time for taking a nap," ani Moral.

Kapag naman matutulog na sa gabi, pinakamainam kung hindi gagamit ng gadgets habang nagpapaantok.

"Isa siguro sa common pa ngayon, 'yong nagse-cellphone, naga-iPad, kasi ang ilaw nakakababa ng isang hormone sa utak natin na tinatawag na melatonin, kaya magiging less likely tayo na makatulog," sabi ni Moral.

Aniya, nakasalalay kasi sa "melatonin" ang pagkakaroon ng mahimbing na tulog.

Pinakamainam pa rin kung matutulog sa gabi, pero kung hindi ito pupuwede dahil sa oras ng trabaho o pag-aaral, dapat lang pumili ng akmang schedule ng pagtulog at tiyaking mapapanatili ang ganitong schedule araw-araw.

ADVERTISEMENT

"Kung sa paggising mo, well-rested ka, sulit na sulit, wala kang kapaguran, ibig sabihin no'n ang tulog mo ay ayos," ani Moral.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

ABS-CBN is the leading media and entertainment company in the Philippines, offering quality content across TV, radio, digital, and film. Committed to public service and promoting Filipino values, ABS-CBN continues to inspire and connect audiences worldwide.

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.