Ano nga ba ang kaibahan ng All Saints' Day at All Souls' Day? | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Ano nga ba ang kaibahan ng All Saints' Day at All Souls' Day?

Ano nga ba ang kaibahan ng All Saints' Day at All Souls' Day?

Andrea Taguines,

ABS-CBN News

 | 

Updated Nov 02, 2023 05:16 PM PHT

Clipboard

Filipinos visit the graves of their departed loved ones at Bagbag Public Cemetery in Quezon City as they mark All Saints
Filipinos visit the graves of their departed loved ones at Bagbag Public Cemetery in Quezon City as they mark All Saints' Day on November 1, 2023. Maria Tan, ABS-CBN News

Ang magkapatid na lang na sina Ophelia Barquilla at Elvie Reyes ang dumalaw sa puntod ng kanilang mga magulang sa Loyola Memorial Park sa Marikina City ngayong Huwebes, All Souls' Day.

Nakapag-reunion na umano kasi ang kanilang buong pamilya nitong Miyerkoles, Nobyembre 1.

“Iyong pamilya namin, a-uno talaga andito. ‘Yon ang nakasanayan namin e. ‘Yon ang sine-celebrate namin talaga,” ani Barquilla.

Paiba-iba naman ang petsa ng pagbisita sa sementeryo ng pamilya ni Ernesto Agustin, depende kung kailan makakapag-leave sa trabaho o kung kailan mas kaunti ang makakasabay.

ADVERTISEMENT

“Kaya ka nagpupunta ng November 2 kasi umiiwas ka lang sa dami ng tao pero ang talagang piyestang patay talaga, November 1 po,” ani Agustin.

Pero paliwanag ni Fr. Danny Pilario, Direktor ng Center of Research and Development ng Adamson University, mas angkop na magpunta ng sementeryo para ipagdasal ang mga yumaong mahal sa buhay tuwing Nobyembre 2 o All Souls’ Day.

Aniya, iprinoklama namang All Saints’ Day ang Nobyembre 1 para sa mga santo o mga taong pinaniniwalaang dumiresto sa langit sa kanilang pagkamatay.

“May mga taong namatay at sila ay diretso sa langit tulad ng mga santo. Some of those we know— Pedro Calungsod or Lorenzo Ruiz. Pero mayroon ding mga kaluluwa na kilala natin na hindi naman sila ganoon ka-perpekto, ka-exemplary. Sila ay mapupunta sa purgatoryo,” ani Pilario.

“Sila ‘yong pinagdiriwang ng All Souls’ Day. ‘Yong mga kaluluwa sa purgatoryo, sila ay dapat nating ipagdasal dahil sila ay nangangailangan ng ating panalangin para sila ay makapunta sa langit,” dagdag niya.

ADVERTISEMENT

Kaya lang, ani Pilario, wala masyado sa kamalayan ng karamihan sa mga Pilipino ang konsepto ng purgatoryo. Kaya wala ring masyadong pagkakaiba para sa mga Pinoy ang mga santo at mga kaluluwa.

“Para sa atin, sila ay nasa kaharian na ng Diyos, sila ay kasama na ng Diyos. ‘Yong discussion ng purgatoryo, hindi yan masyadong present sa kamalayan dahil para sa atin, ang lahat ng dinadalaw natin ay maligaya sa piling ng Diyos,” aniya.

Dagdag ni Pilario, isa din itong rason kung bakit nagiging selebrasyon o masayang okasyon ang Undas.

“Kung ang tingin natin sa ating mga mahal sa buhay ay sila ay kasama na ng Diyos, sila ay maligaya sa kabila, bakit tayo ay nagluluksa? Edi mag-eenjoy din tayo. Edi dalhin ninyo ang inyong potluck, edi mag-reunion kayo,” aniya.

Sang-ayon ang cultural anthropologist na si Dr. Nestor Castro mula sa University of the Philippines-Diliman, na madalas napagtutumbas ng mga Pilipino ang mga santo at kaluluwa. Aniya, marahil ay nag-ugat pa ito sa paniniwala ng mga katutubong Pilipino.

ADVERTISEMENT

“Sa kulturang Pilipino, parang kino-consider natin ang ating mga ninuno bilang mga banal na ninuno. Bago pa dumating ang mga Kastila, may practice tayo ng pagsamba sa mga anito. Ito ang espiritu ng ating mga ninuno,” ani Castro.

Malakas din aniya ang naging impluwensiya sa atin ng mga Mexicano, na nagdaraos ng Dia De Los Muertos o Day of the Dead tuwing Nobyembre 1 at 2.

“Dapat alalahanin na ang Pilipinas ay sinakop ng Espanya through Mexico, gino-govern tayo through Mexico...Sa Mexico, ‘yong Dia De Los Muertos o Day of the Dead ay ginagawa talaga ng November 1 and 2 so magkasama na All Saints’ Day at All Souls’ Day,” aniya.

Sabi pa ni Castro, nakakaapekto din sa desisyon ng mga Pilipino kung kailan pupunta ng sementeryo ang mga holiday.

Aniya, dahil hindi automatic na idinedeklarang holiday ang Nobyembre 2, mas marami ang nagsisipuntahan na sa sementeryo pagsapit ng Nobyembre 1.

ADVERTISEMENT

“Might as well manigurado ka na, pumunta ka na muna sa 1 kasi siguradong ‘yon ang holiday. Ang 2, pwedeng panahon ng pahinga, para bumalik sa sementeryo, o kaya pabalik sa bahay kung galing ka sa probinsiya,” ani Castro.

Pero anuman ang nabuo nang tradisyon ng bawat pamilyang Pilipino, para kay Pilario, importante ay hindi mawawala ang paggunita sa mga yumaong mahal sa buhay.

“Ang mahalaga, sa tingin ko, ay ‘yong remembrance. The act of remembering,” aniya.

Importante rin aniya ang pag-aalala at pag-aalay ng panalangin para sa mga yumaong hindi natin kilala o nakalimutan na, tulad ng mga biktima ng giyera.

“Mayroon ding tradition sa Catholic Church to pray for the forgotten souls. People we do not know, people who have not been remembered, ‘yong mga hindi natin kakilala, ipagdasal din natin sila...maging Pilipino man, maging Palestinian man o maging nasa Israel, Ukraine o sa Russia,” ani Pilario.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.