Makulay, masayang Lakbayaw 2025 idinaos sa Tondo | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Makulay, masayang Lakbayaw 2025 idinaos sa Tondo

Makulay, masayang Lakbayaw 2025 idinaos sa Tondo

Jhon Dave Cusipag,

ABS-CBN News

 | 

Updated Jan 20, 2025 04:15 PM PHT

Clipboard

Libo-libong deboto ng batang Hesus ang nagtipon-tipon sa paligid ng Archdiocesan Shrine of Santo Niño sa Tondo, Maynila, ala-sais pa lamang ng umaga nitong Sabado, Enero 18.

Karamihan sa kanila ay mga grupo na lalahok sa prusisyon ng Lakbayaw na isinasagawa tuwing bisperas ng kapistahan ng Santo Niño de Tondo.

Hango ang salitang Lakbayaw sa “Lakbay” at “Sayaw” kung saan ipinapakita ng mga deboto ang kanilang debosyon at bigyang-pugay ang Santo Niño sa pamamagitan ng pagsasayaw.

Isa na riyan ang aerobics group na kinabibilangan ni Jossy Salazar na taon-taon nang sumasama sa Lakbayaw.

ADVERTISEMENT

“Panata namin ito…siguro 20 years na kaming sumasama sa Lakbayaw,” ani Salazar.

Pagsapit ng alas-siyete ng umaga, inilabas sa simbahan ng Tondo ang imahen ng Santo Niño matapos ang Misa ng Bisperas. Hudyat din ito ng pagsisimula ng prusisyon.

Mapabata o matanda, hataw kung hataw sa pag-indak sa saliw ng musika dala ang kahilingan at pasasalamat para sa batang Hesus.

Kumpletong pamilya at maayos na kalusugan ang ipinagpapasalamat ngayong Lakbayaw ni Julieth Barcelona, 32, na nagsimulang maging deboto noong 2020.


Julieth Barcelena, 32Nagpapasalamat naman sa biyayang natatanggap ang 59-anyos na si Fely Fugaban.

"Nagpapasalamat kami kasi araw-araw niya kaming ginagabayan, inilalayo sa anumang masamang impluwensya,” dagdag pa ni Fugaban.

ADVERTISEMENT

Bukod sa sayaw at makukulay na kasuotan ng mga deboto, bumida rin sa prusisyon ang mga replica ng Santo Niño na may sari-saring gayak at nakasakay sa karosang may iba-ibang palamuti.



Mula Ylaya Street, inikot ng mga deboto ang ilang mga kalsada hanggang sa makarating ito sa L. Chacon Street, huling ruta ng prusisyon.

Nakabalik ang imahen ng Santo Niño sa simbahan ng Tondo mula Lakbayaw bago mag-tanghali.

Magkakaroon ng maringal na prusisyon sa araw ng dakilang kapistahan ng Santo Niño de Tondo sa Linggo, Enero 19, sa ganap na alas-4 ng umaga.

Pinalalahanan ng simbahan ang mga deboto na maari nilang dalhin ang kanilang replica ngunit huwag itong isakay sa multicab, pedicab o anumang sasakyan.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.