Tanod patay sa pamamaril ng dating kakosa sa Tondo, Manila | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Tanod patay sa pamamaril ng dating kakosa sa Tondo, Manila

Tanod patay sa pamamaril ng dating kakosa sa Tondo, Manila

Jessie Cruzat,

ABS-CBN News

Clipboard

MAYNILA -- Patay ang isang barangay tanod matapos pagbabarilin habang nasa inuman sa Kagitingan Street, Tondo, Maynila, madaling araw noong Biyernes.

Kinilala ang biktima na si Jonathan Rizo, 62-anyos na tanod ng Barangay 38.   

Batay sa imbestigasyon ng Manila Police District (MPD) Homicide Division, dating kakosa ng biktima ang suspek.

Sa CCTV footage ng barangay, makikitang kasama ni Rizo ang isang lalaki patungo sa inuman.

ADVERTISEMENT

Dito na bumunot ng baril ang suspek at sunod-sunod na pinaputukan si Rizo hanggang sa bumulagta ito.

Matapos ang krimen, naglakad papalayo ang suspek kasama ang apat niyang kainuman.  

Bagamat hindi pa malinaw ang motibo, lumalabas sa paunang imbestigasyon na pinatawag umano ng suspek ang biktima sa kanilang bahay bago mangyari ang pamamaril.  

“Mayroon pong isang lalaki na nagpunta doon sa bahay nila at sinabi na pinapatawag siya nitong suspek natin. Ito naman pong ka-live in nitong biktima ay ayaw siyang payagan kasi noong mga oras na iyon ay gumagawa sila ng kalamay na parang ibebenta nila para sa agahan,” saad ni P/Capt. Dennis Turla, hepe ng Homicide Division ng Manila Police District.

Kinumpirma rin ng barangay chairman na si Alfredo Garcia na matagal nang magkakilala ang biktima at ang suspek, na dating magkasama sa kulungan.  

ADVERTISEMENT

“Ang pagkakaalam ko, dati silang magkasama sa kulungan. Hindi ko alam kung ano talaga ang background pero previously nagkikita sila wala namang ganyan, baka kako dala lang na nakainom kaya gano’n ang nangyari,” ani Garcia.

Hustisya naman ang panawagan ng kamag-anak at kaibigan ng biktima.

“Sobrang galit po. Kasi lahat naman ng bagay nadadaan sa usapan pero tinapos nila ang buhay ng tatay ko nang gano’n lang. Hindi namin alam kung anong magiging reaksyon namin,” saad ng babaeng anak ng biktima.

“Mga sir natin sa PNP. Sana po matulungan nyo po kaming magkaroon ng katarungan ‘yong pagkamatay ‘yong kumpare namin,” pahayag ng kaibigan ng biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya habang inaalam ang posibleng partisipasyon ng apat na kainuman ng suspek na hindi pa rin matunton hanggang ngayon. 

ADVERTISEMENT

“Pinag-aaralan pa namin ‘yon. Kasi 'yong apat na kainuman niya ay pagkatapos no’ng pamamaril ay umalis din at the same time hanggang ngayon hindi namin sila ma-locate. ‘Yan ‘yong aming pinag-aaralan at inaalam kung mayroon ba silang… ‘yong mga bawat partisipasyon nila para maisama sila sa pagfa-file ng reklamo,” dagdag ni Turla.

Sakaling maaresto, mahaharap ang suspek sa kasong murder.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.