PBA: Kuwentong rambulan? Ex Toyota players inalala ang bakbakan kontra Crispa | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

PBA: Kuwentong rambulan? Ex Toyota players inalala ang bakbakan kontra Crispa

PBA: Kuwentong rambulan? Ex Toyota players inalala ang bakbakan kontra Crispa

ABS-CBN News

Clipboard

Sa kasaysayan ng PBA, wala nang iinit pa sa tunggaliang Crispa-Toyota.

Mula 1975 hanggang 1983, sila ang dahilan kung bakit nagdagdagsaan ang mga fans para manood ng liga -- para makita ang pisikal na larong nauuwi madalas sa balyahan, patiran at suntukan.

Sa tindi ng kanilang labanan ay minsan na silang ipinadampot at dinala sa Fort Bonifacio dahil nagrambol sila makaraang manalo ang Crispa 122-121 noong Abril 17, 1977, kasagsagan ng Martial Law.

Ginunita ng ilang Toyota players ang pangyayari sa isang YouTube webinar nitong Biyernes.

ADVERTISEMENT

Kuwento ni Toyota player Gil Cortez, simula pa lang ng larong iyon brasuhan na ang laro ng Crispa.

"Alam 'to ni repang Ompong (Segura), 'pag pumunta sa wings sa kanila babagsak, pagbalik babaksak. Pinapatid palagi ni Bernie Fabiosa," natatawang ikinuwento ni Cortez.

"Marumi ang laro, ang daming bumabagsak, ang daming nasisiko, nasusuntok. Lamang ang Crispa last 2 minutes tapos nag-time out. I won't mention names kung sino ang nagsabi, when we huddled, sabi niya, 'Pare pagkatapos ng game punta tayo doon alam n'yo na ang gagawin natin.'"

Humantong sa gulo nang magpang-abot ang dalawang koponan sa exit ng Araneta Coliseum.

Ayon kay Cortez humupa naman daw ang away noong gabing iyon.

Ang hindi nila inasahan ay ang pagdalaw ng pulis MetroCom sa kanilang quarters sa Bel-Air. Isa isa raw silang pinagdadampot at dinala sa Camp Crame.

"Nasa left side ang Crispa, nasa right side kami. Dumating si Gen. Prospero Olivas ng (Philippine Constabulary) noon. Maingay pa rin kami, nagduduruan pa rin kami sa loob ng kuwarto, nagalit siya sabi niya, 'Book all of them!' Ayun nga na-book kami. After that they brought all of us to Fort Bonifacio," paggunita ni Cortez.

Kinasuhan sila ng public disturbance.

Ayon naman kay Segura na sumunod na lang sa Fort Bonifacio, ikinulong sila sa detention cell kung saan nakapiit din ang ilang military men na may kaso rin.

"Ang cell namin mahaba, nasa sulok kami lahat mga Toyota. Sabi ng military na may kaso roon, 'O antatapang niyo sa court. D'yan magsuntukan kayo dyan.' Hindi kami makapalag," ang natatawang kuwento ni Segura.

Ayon kay Cortez, maging ang kanilang management ay sangkot din sa rivalry. Kahit sa pagkain nila sa selda, may kompetisyon pa rin.

"If I remember right, dumating ang pagkain ng Crispa, gutom na kami dahil gabi na 'yun. May alimango, sugpo, mangga, mga hito, madami. Di kami binibigyan," ayon kay Cortez.

"Dumating naman ang pagkain namin, si coach Dante (Silverio) nagpabili ng pagkain. Pagdating puro steak na galing Prince Albert ng Intercontinental. Talagang labanan pa rin hanggang sa pagkain."

Sa huli pinagmulta ni PBA commissioner Leo Prieto ang magkabilang koponan ng tig P5,000, na malaking halaga na noon.

Si Silverio naman ay pinagbayad ng P1,000 for unsportsmanlike conduct.

Ilan sa mga kilalang lumaro para sa Toyota ay sina Robert Jaworski, Francis Arnaiz, Danny Florencio, Ramon Fernandez at Abe King.

Samantalang sa Crispa naman sina Atoy Co, Bogs Adornado, Philip Cezar, Abet Guidaben at Freddie Hubalde.

Kasama ang Toyota player na sina Emer Legaspi at Ed Cordero sa YouTube video nitong Biyernes.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.