Ilang residente, nawalan ng tubig dahil sa nakawan ng metro sa Antipolo | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Ilang residente, nawalan ng tubig dahil sa nakawan ng metro sa Antipolo

Ilang residente, nawalan ng tubig dahil sa nakawan ng metro sa Antipolo

Lyza Aquino,

ABS-CBN News

 | 

Updated May 29, 2024 11:14 AM PHT

Clipboard

Nawalan ng suplay ng tubig ang ilang residente ng Barangay Inarawan sa Antipolo, Rizal matapos nakawin ang mga metro ng tubig sa lugar, noong Lunes.

Nahagip ng CCTV ang dalawang lalaki na may bitbit na wrench o liyabe ng tubo habang papunta malapit sa hilera ng mga metro ng tubig sa lugar. 

Paglabas ng dalawa, may bitbit na silang supot, na ayon sa mga otoridad ay isa sa mga nawalang metro ng tubig sa barangay. 

Kwento ng residenteng si Kandela Cioco, metro na pala nila ang nadali ng mga salarin. 

"7 a.m. nakapaglaba pa ako, 8 to 9 okay pa tubig. Pagdating ng 10 biglang nawala ang tubig, akala ko normal. Normal kasi sa amin na bagong magtanghali wala nang tubig so hanggang mga 2 yun,” sabi niya. 

“Hindi ako lumabas ng bahay kasi akala ko magkakaroon din agad. 5 p.m. nabahala na ako, pumunta na ako sa lagayan ng mga metro. Pagtingin ko wala talaga kaming metro.” 

Hindi rin nakaligtas sa dalawang suspek ang sari-sari store ni Nancy Datiles, na nawalan din ng suplay ng tubig.

"Bale 2 days wala kaming tubig, nakiki-igib lang kami. Ang hirap po makiigib lalo na ako senior na, mabigat ang tubig. Lahat po ng pangangailangan, kailangan ng tubig, kagaya po ngayon hindi kami makapaghugas ng pinggan, kapag magsi-CR ka walang pangbuhos. Ang hirap po talaga,” sabi ni Datiles.

Ang isa pang residente na si Roselle Lagunay, kakabayad lang ng P88 na water bill sa Manila Water nang puntiryahin ng mga kawatan ang kanyang metro.

"Naputulan po kami ng umag. Paggising ko po ng alas-6, meron pang tubig. Ang nangayri po siguro mga bandang 10-11, paglabas ko po ng bahay tinignan ko po ano po nangyari sa tubig namin, wala na po yung kuntador,” sabi ni Lagunay.

Ayon kay Joel Sebio, barangay kagawad sa lugar, 7 residente na ang nanakawan ng water meter ngayong buwan. Dati na rin umanong nagkakaroon ng ganitong insidente sa kanilang lugar.

"Several years nangyayari na ito, ninanakaw ang metro ng tubig dahil iyon po ay tanso at siguro binebenta nila sa mga junk shop o sa mga private na mga tao para magamit sa ibang mga residente para makabitan sila ng tubig. Mahal yan eh, P7000 yan eh," paliwanag ni Sebio.

Bantay sarado na rin ang kanilang mga barangay tanod katuwang ang Antipolo police.

"Twenty-four hours po ang roving ng aming mga BPSO, may kasamang PNP po na naka-assign sa amin," dagdag niya.

Sa tala ng Manila Water, nasa 20 na ang insidente ng nakawan ng metro sa kanilang mga consumers ngayong taon.

Pero paglilinaw nila, hindi sila nagtatanggal basta basta ng metro ng tubig, lalo na sa mga active consumers.

"Ginagawa natin ito kapag ka kumbaga delinquent na yung accounts, ibig sabihin yung mga hindi na nagbabayad, pinu-pullout talaga natin yung metro.. Siguro mga tatlong buwan or even mga four months, yung talagang after all the efforts na maka-collect or makapagbayad yung ating customer then talagang wala ano," sabi ni Jeric Sevilla, tagapagsalita ng Manila Water.

Kaya naman may paalala ang water concessionaire sa mga dapat gawin ng consumer nila na nabibiktima nito.

"Unang-una dapat i-report ito sa mga respective barangays nila dahil katuwang natin ang mga barangays para talagang mabantayan yung mga metro. Pangalawa, ipagbigay-alam po agad ito sa amin. Bukas naman po laging ang ating consumer desk hotline 1627 or makipag-ugnayan po sa concerned service area," dagdag ni Sevilla.

Patuloy namang iimbestigahan ng Manila Water ang insidente, habang tinutugis na rin ng mga otoridad ang mga nasa likod ng krimen.



ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.