FACT CHECK: Walang report ang ABS-CBN News na nag-eendorso sa isang WIFI modem | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

FACT CHECK: Walang report ang ABS-CBN News na nag-eendorso sa isang WIFI modem

FACT CHECK: Walang report ang ABS-CBN News na nag-eendorso sa isang WIFI modem

Eliseo Ruel Rioja,

ABS-CBN Research and Verification Unit

Clipboard

Hindi totoo at ginamitan ng artificial intelligence, o AI, ang video ni dating ABS-CBN News anchor Henry Omaga-Diaz habang diumano’y nagbabalita tungkol sa malakas na internet connection na kayang ibigay ng isang WIFI modem.

Minanipula ang boses ni Omaga-Diaz para palabasing sinasabi at iniuulat niya ang mga ito: “Starlink modem na may malakas na internet signal ang kinikilala ngayon dahil sa malaking naitutulong nito sa mga Pilipinong nahihirapan sa internet signal.”

Makikita sa kanang itaas ng video ang logo ng ABS-CBN News Channel, o ANC. Nilapatan din ang video ng graphics sa tabi ni Omaga-Diaz na kawangis ng makikita sa TV Patrol kung saan siya naging news anchor.

Ginamit din sa pekeng ulat ang larawan at boses ni dating Department of Information and Communications Technology Secretary Eliseo Rio Jr. para magmistulang ipinahahayag niya ito: “Totoong malakas ang naibibigay nitong signal kaya susuportahan talaga natin na maisulong ito sa market para makatulong sa mga kababayan natin na walang internet signal.”

ADVERTISEMENT

Ini-upload ang manipuladong video noong Abril 23, 2025, walong buwan pagkatapos magpaalam si Omaga-Diaz sa programang TV Patrol noong Agosto 30, 2024 para manirahan sa ibang bansa. Mula noon ay hindi na siya nagtatrabaho sa ABS-CBN News.

Matagal na ring hindi DICT secretary si Rio matapos siyang magbitiw sa puwesto noong Pebrero 3, 2020.

Batay sa resulta ng AI-detection tool na Hive Moderation, mataas ang posibilidad na ginamitan ng AI ang naturang pekeng video.

Ang Starlink na binanggit sa nasabing video ay isang internet service provider na pagmamay-ari ng kumpanyang SpaceX ni Elon Musk. Inaprubahan ng National Telecommunications Commission ang paggamit nito sa Pilipinas noong Mayo 27, 2022.

Batay sa website ng Starlink, mabibili lamang ang kanilang produkto sa kanilang official website at mga awtorisadong resellers.

ADVERTISEMENT

Sa kasalukuyan, nakapagtamo na ng mahigit 880 likes, 650 comments, at 193K views ang naturang pekeng video na ini-upload sa kaduda-dudang Facebook page na Starlinkph na ginawa noong Nobyembre 6, 2024.

Hindi ito ang unang beses na minanipula ang mga ulat ng ABS-CBN News para mag-endorso ng mga produkto at serbisyo.

Ugaliing kumuha ng mga impormasyon sa lehitimong website ng ABS-CBN News at sa mga opisyal na social media account ng “ABS-CBN News” sa Facebook, X (dating Twitter), TikTok, Instagram, at YouTube.

Kung kayo’y may alam na kahina-hinalang social media page, group, account, o website, artikulo, larawan, o impormasyong ipinapakalat sa mga messaging app, maaring makipag-ugnayan sa aming email factcheck@abs-cbn.com o X (dating Twitter) account @abscbnfactcheck.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.