‘Runaway groom’ arestado sa pamba-blackmail sa ex-fiancee para makipagbalikan | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

‘Runaway groom’ arestado sa pamba-blackmail sa ex-fiancee para makipagbalikan

‘Runaway groom’ arestado sa pamba-blackmail sa ex-fiancee para makipagbalikan

Jonathan Magistrado,

ABS-CBN News

 | 

Updated Jan 29, 2025 04:27 PM PHT

Clipboard

Photo from Parroquia De La Inmaculada Concepcion - Quipayo, Calabanga Facebook page

Arestado ang isang “runaway groom” sa Calabanga, Camarines Sur matapos i-blackmail ang dating nobya na hindi niya sinipot sa kasal.

 

Ayon sa 25-anyos na si alyas "Camille", sukdulan na ang pananakot sa kanya at sa pamilya niya ng 28-anyos na ex-boyfriend kaya humingi na siya ng saklolo sa Regional Anti-Cybercrime Unit-Bicol.

 

Nahuli noong January 26 sa entrapment operation ang suspek sa loob ng Quipayo Church, na ilang metro lang ang layo sa madalas nilang tagpuan.

 

Kwento ni  "Camille", ina-upload ng suspek ang mga sensitibong larawan niya sa fake Facebook account na ipinangalan sa kanya para pilitin siyang makipagbalikan.

ADVERTISEMENT

 

Nasapak naman ito ng kapatid ng biktima dahil ginamit ang larawan niya na profile pic ng fake FB account para mag-post ng malalaswang mensahe laban sa ate.

 

Ayon sa team leader ng Camarines Sur Anti-Cybercrime Response Team ng RACU-Bicol na si Police Capt. Angelo Babagay, nag-ugat ang pamba-blackmail ng suspek nang hindi na makikipag-ayos ang biktima dahil napahiya ito sa araw ng kasal nila.

 

“Naka-schedule na ‘yong kasal nila sa sibil pero hindi dumating itong lalaki. Siya pa ang may ganang magalit. Wala raw ‘yon budget ang rason nitong suspek don nagalit itong complainant so ang ganti naman nitong suspek may pananakot na," aniya.

 

Paliwanag ng suspek, nagawa niya ang krimen dahil sa labis na pagmamahal sa biktima.

 

Hindi umubra sa dating nobya ang pagsusumamo ng "runaway groom", at tuluyang inireklamo ng grave coercion, paglabag sa Violence against Women and their Children Act at Cybercrime Prevention Act.

 

Kakasuhan din ito ng paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act dahil sa mga naunang post bago hawakan ng RACU-Bicol ang kanyang kaso. 


ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.