Census tuloy sa gitna ng pandemya; health protocols ipatutupad | ABS-CBN

ABS-CBN Ball 2025:
|

ADVERTISEMENT

ABS-CBN Ball 2025:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Census tuloy sa gitna ng pandemya; health protocols ipatutupad

Census tuloy sa gitna ng pandemya; health protocols ipatutupad

ABS-CBN News

Clipboard

MAYNILA - Magpapatuloy ang pag-iikot ng mga kawani ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa iba't ibang lugar sa bansa para mangalap ng impormasyon para sa 2020 Census of Population and Housing, habang sumusunod sa mga health protocol ngayong may coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Paliwanag ni PSA Civil Registrar General Dennis Mapa, mahalagang matapos ang census - na ginagawa kada 10 taon - dahil makikita rin dito ang lagay ng pag-unlad sa iba't ibang lugar sa Pilipinas, bukod sa pagtukoy sa populasyon ng bansa.

"[Makikita] kung may business ka ba diyan sa barangay, ano 'yung road network, [kung] mayroon ka bang water facilities, ito ay kailangan din talaga ng mga LGUs (local government units)," ani Mapa.

Ang mga naturang impormasyon ang ginagamit ng mga opisyal ng gobyerno para malaman ang sitwasyon sa iba't ibang parte ng bansa, at kung ano ang mga sektor na kailangang pagtuunan ng pansin.

ADVERTISEMENT

Bukod sa mga dokumento at panulat na kailangan, may mga face mask, face shield, at alcohol na bitbit ang mga data enumerator.

Pinasusunod din sila sa tamang physical distancing.

Isa si Michelle Medina sa mga data enumerator na lumahok sa pangangalap ng datos.

Aminado siya na may hamon silang mga kinahaharap ngayong may pandemya.

"'Yong sa normal po namin na ginagawa, mahirap na po iyon pero mas nadagdagan po siya dahil may pandemya nga. At sa pagkatok namin marami rin pong nagre-refuse," ani Medina.

Dapat noong Mayo pa nagsimula ang census pero dahil sa pandemya at enhanced community quarantine, naurong ito nitong Setyembre.

Balak tapusin ng PSA ang pangangalap ng datos ngayong Setyembre, pero inaasahan nilang maaantala pa ito dahil may mga lugar pa sa Pilipinas na nasa mas mahigpit na lockdown.

Nangako rin ang ahensiya na susuyurin ang buong Pilipinas para masigurong wasto ang ilalahad nitong 2020 Census Report sa Abril o Mayo ng 2021.

Payo pa ni Medina na maging mapagmatyag kung lehitimo ang bibisitang data enumerator sa bahay.

"Mayroon po kaming ID na ibinigay sa 'min at kumpleto din po kami sa gamit, makikita naman po na mayroon kaming cap, may vest, may uniform, at kumpleto po kami. Mayroon din po kaming umbrella, lahat po at may bag at may tumbler para po pagkakakilanlan na kami po ay lehitimong enumerator," ani Medina.

Maliban sa face-to-face interview, maaari ring isagawa ang census gamit ang over-the-phone o paper-assisted telephone interview o computer-assisted web interview.

Makukuha ang code nito sa mismong data enumerators.

-- Ulat ni Bruce Rodriguez, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.