Kailan dapat pa-operahan ang bingot? | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Kailan dapat pa-operahan ang bingot?

Kailan dapat pa-operahan ang bingot?

Neima Chowdhury,

ABS-CBN News

Clipboard

Ang ngiti ng isang bata ay isa sa mga pinakamasarap tingnan. Ang mga unang salita rin ay kasabik-sabik para sa mga magulang. Ngunit paano kung may humahadlang sa kanilang maayos na pagngiti at pagsasalita?

Sa programang "Magandang Gabi Dok," ipinaliwanag ng plastic surgeon at medical director ng Craniofacial Foundation of the Philippines na si Dr. Reden Abella kung ano ang cleft lip at cleft palate o bingot na maaaring makahadlang sa maayos na pagngiti o pagsasalita ng isang bata.

Ang cleft lip ay kondisyon kung saan mayroong hiwa sa labi ng isang bata. Samantala, ang cleft palate ay hiwa o butas sa ngala-ngala na umaabot sa ilong.

Paliwanag ni Abella, ang bingot ay maaring namamana sa mga magulang o sanhi ng kakulangan ng nutrisyon ng nanay habang pinagbubuntis ang bata.

ADVERTISEMENT

Dagdag pa niya, "maaari din pong nagkasakit 'yung magulang, 'yung nanay habang pinagbubuntis niya or na-expose siya sa radiation or may impeksyon."

Mahalaga aniya na maoperahan ang isang batang may cleft palate bago pa ito matutong magsalita upang hindi maapektuhan ang pamamaraan nito ng pagbigkas ng mga salita.

"Dapat bago pa lang magsalita ang bata. Bago pa lang matuto. Dapat unahin muna ang labi. Pagkatapos ng 3 months, pagkatapos ma-operahan sa labi, pwede na itong ma-operahan ulit sa susunod na buwan. Mga six months pwede na nga 'yung cleft palate," salaysay ni Abella.

Kapag nagsasalita umano ang isang bata, naririnig nito ang kaniyang sarili. Kapag hindi umano tama ang bigkas bunsod ng bingot, aakalain ng bata na ito na ang tama kaya't mahirap nang ituwid.

"Ang napaprocess sa brain ng bata na 'pag naririnig niyang ngongo siya, parang akala niya 'yon ang tama," pahayag ng doktor.

ADVERTISEMENT

"Pangalawa, 'yong hangin kasi, kasi hindi nagsasara nga 'yung posterior palate ng bata, 'yung soft palate hindi dumidikit sa likod, na-e-escape 'yung hangin. Parang 'pag narinig mo siyang magsalita, mahangin magsalita, hindi mo naiintindihan. Tsaka 'yung tamang pagbigkas ng mga salita, hindi niya rin masabi."

Ngunit, hindi rin umano dapat mawalan ng pag-asa dahil kahit umabot na ng ilang taon ang bata ay maaari pa rin namang operahan.

Bagaman may kamahalan ang operasyon para rito, hindi naman dapat mangamba ang mga magulang na mayroong anak na may bingot.

Sa panayam ding iyon, ipinakilala ng Country Director ng Smile Train Philippines na si Kimmy Coseteng-Flaviano ang kanilang organisasyon na tumutulong sa mga batang nangangailangan ng operasyon sa bingot.

Nakikipagtulungan ang Smile Train Philippines sa mga ospital sa iba't ibang bahagi ng bansa at nagbibigay ng pondo upang maging libre ang operasyon maging ang mga susunod na konsultasyon.

ADVERTISEMENT

Ayon kay Coseteng-Flaviano, nakapagsagawa sila ng libo-libong operasyon sa Pilipinas mula nang magsimula sila noong taong 2000.

Maaaring pumunta sa mga partner hospitals ng Smile Train at makipag-ugnayan sa kanila sa numerong 09175287246.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.