Pope Leo pormal na sisimulan ang kanyang pontipikato sa inaugural mass sa Vatican | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Pope Leo pormal na sisimulan ang kanyang pontipikato sa inaugural mass sa Vatican

Mye Mulingtapang,

ABS-CBN News

 | 

Updated May 17, 2025 11:35 AM PHT

Clipboard

VATICAN — Sa darating na Linggo, ika-18 ng Mayo, alas-10 ng umaga (oras sa Roma), pormal na sisimulan ni Pope Leo XIV ang kanyang tungkulin bilang Obispo ng Roma sa isang inaugural mass na puno ng tradisyon at simbolismo. 

Itong misa ang magiging opisyal na simula ng kanyang pontipikato bilang ika-267 na pinuno ng Vatican. Idaraos ang "Mass for the Inauguration of the Petrine Ministry" sa St. Peter’s Basilica sa Vatican City, na inaasahang dadaluhan ng mga kardinal, obispo, mga mananampalataya, kinatawan mula sa iba’t ibang bansa, at libu-libong deboto mula sa buong mundo. 

Magsisimula ang misa sa pag-ikot ni Pope Leo XIV sa St. Peter’s Square sakay ng popemobile. Pagkatapos nito, papasok siya sa St. Peter’s Basilica at tutungo sa libingan ni St. Peter kasama ang mga patriarch ng Eastern Catholic churches para manalangin. Kasama sa mga ritwal ang paglalagay ng pallium, isang puting banda na gawa sa lana na may mga itim na krus bilang simbolo ng pagiging mabuting pastol, na ibinibigay ng isang cardinal deacon. 

Kasunod nito ang pagtanggap ng Fisherman’s Ring mula sa isang cardinal bishop. Ang singsing ay may ukit na larawan ni San Pedro habang naghahagis ng lambat, na sumisimbolo sa papel ng Santo Papa bilang kahalili ni San Pedro at tagapagpahayag ng Mabuting Balita.

ADVERTISEMENT

Isang cardinal priest naman ang magdarasal ng taimtim na panalangin, humihiling ng lakas mula sa Espiritu Santo para sa misyon ng Santo Papa. 

Matapos ang mga ritwal, tatanggap si Pope Leo ng tanda ng pagkilala mula sa 12 kinatawan ng simabahan kabilang mga clergy at laypeople mula sa iba’t ibang panig ng mundo, na nagpapakita ng pagkakaiba-iba at pagkakaisa ng Simbahan. 

Ayon sa Vatican, magbibigay si Pope Leo ng mensahe hinggil sa direksyong tatahakin ng Simbahan sa ilalim ng kanyang pamumuno. Inaasahan niyang tatalakayin ang mga isyung kinakaharap ng Simbahan at ang kanyang mga layunin para sa pagkakaisa at kapayapaan. 

Ito ang unang opisyal na liturhiya ni Pope Leo bilang Santo Papa, at inaasahang magiging makasaysayang kaganapan para sa buong Simbahang Katolika. Sa panibagong kabanata ng Simbahan sa ilalim ng pamumuno ni Pope Leo XIV, nananatiling matatag ang panalangin ng mga paring Pilipino para sa isang Simbahang makatao, mapagpakumbaba, at misyonero.

Ayon kay Father Bob Poracan mula sa Diocese of Surigao, ang pontipikado ni Pope Leo XIV ay hindi lamang pagpapatuloy ng nagawa ni Pope Francis, kundi isang bagong hakbang tungo sa pagbabago at pag-asa para sa buong mundo. 

ADVERTISEMENT

“He’s working for peace, working for equality of humanity following Leo XIII who wrote Rerum Novarum to change, to make things new. Maybe this is not just a continuation of Pope Francis’ papacy but for the whole world, for humanity, for peace. Because that’s what the world needs,” ani Father Porocan.

Nananatili ang matatag na pagmamahal at suporta ng mga Pilipino para sa bagong lider ng Simbahan ayon kay Father Xerxes Palermo ng Diocese of Basilan.

“We as Filipinos, andiyan parati ang ating pagmamahal, ang ating pagsuporta, and at the same time ang ating dasal para sa ating Santo Papa,” sabi ni Father Palermo.

Buo rin ang pananampalataya ni Alona Cochon, OFW sa Roma, para sa pagsisimula ng pamumuno ni Pope Leo XIV bilang kahalili ni Pope Francis.

“Yung unang words ni Pope Leo nung lumabas siya sa balcony ay ‘Peace be with you.’ So that message na gusto niya tulad ni Pope Francis na magkaroon ng kapayapaan sa buong mundo at ipagdasal nating lahat yun. Sana suportahan din natin ang Simbahan at ipagpatuloy niya ang nagawa ni Pope Francis, ang legacy ni Pope Francis na welcome siya sa lahat.”

ADVERTISEMENT

Ibinahagi ni Cardinal Luis Antonio Tagle sa Vatican News ang kanyang mga karanasan sa Conclave at ang kanyang opinyon tungkol sa bagong Santo Papa, isang buwan matapos ang pagpanaw ni Pope Francis. Sinabi ni Cardinal Tagle na si Pope Leo XIV ay isang mapagpakumbaba at mapagmasid na pinuno na may malawak na karanasan bilang missionary bishop. Nagkakilala sila sa Maynila at naging magkatrabaho sa Roman Curia mula 2023.

Kasabay nito, nagsimula nitong Biyernes at tatagal hanggang Linggo, Mayo 18, ang Jubilee event para sa mga Confraternity sa Roma. Kabilang dito ang pilgrimage ng mga miyembro ng Confraternity sa Holy Doors ng mga Papal Basilica.

Ang mga bansang may pinakamaraming kalahok ay Italy, Spain, United States, Malta, France, at Brazil, kasama rin ang mga deboto mula sa Pilipinas, Mexico, Argentina, Colombia, Poland, UK, Portugal, Germany, Czech Republic, Canada, India, Indonesia, Chile, Ethiopia, Australia, at New Zealand.

Tinatayang 100,000 deboto mula sa 100 bansa ang lalahok. Sa Sabado, Mayo 17, gaganapin ang isang makasaysayang grand procession sa sentro ng Roma, na magtatampok ng mga kilalang religious images mula sa iba't ibang bansa, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Jubilee. Sa ganitong mga okasyon, muling pinapaalala ang pagkakaisa at malawak na pananampalataya ng mga Katoliko sa buong mundo, sa pagsalubong sa bagong Santo Papa na si Pope Leo XIV.


RELATED:



ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.