Tatlong lalaking estudyante timbog matapos umanong gahasain ang menor de edad nilang kaeskuwela | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Tatlong lalaking estudyante timbog matapos umanong gahasain ang menor de edad nilang kaeskuwela

Tatlong lalaking estudyante timbog matapos umanong gahasain ang menor de edad nilang kaeskuwela

Clipboard

MAYNILA — Arestado ang tatlong lalaking senior high school students matapos na ireklamo ng umano’y panggagahasa sa menor de edad nilang kaeskwuelang babae sa Baseco, Maynila.

Nasa grade 12 ang tatlong lalaking estudyante. Edad 19 ang isa sa kanila habang 18-anyos naman ang dalawa pa.

Ayon kay PLtCol. Emmanuel Gomez, hepe ng Baseco Police, Sabado nang gabi nang magkita ang 16-anyos na biktima at ang 19-anyos na suspek para mag-inuman sa bahay ng isa pang suspek pasado alas-10 ng gabi noong Abril 5.  

Kalaunan, dumating ang ikatlong suspek at umabot ang inuman hanggang madaling-araw ng Abril 6. 

ADVERTISEMENT

Ayon umano sa biktima, nakatulog siya sa inuman at nagising na lamang siya nang maramdamang may humahalik sa kanya.

“Noong paggising niya, nakita niya yung kanyang kainuman hinahawakan po yung dalawang kamay niya at tinatakpan ang kanyang bibig kung saan ho halinhinan nga po na naabuso yung bata,” ani ni PLtCol. Gomez.

Dala ng kalasingan, nakatulog ang mga suspect at ang biktima, pero naunang nagising ang babae kaya siya nakatakas. Nagpunta ang biktima sa kanyang kaibigan.

“Noong pagtakas nagpunta po siya sa kanyang kaibigan na kung saan yung kaibigan niya, alam na nawawala siya hinahanap siya… Kasi itong si minor victim natin nakapagtext pa po sa nanay niya na nasabi na nasa kaibigan siya,” sabi ni Gomez.

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek, pero ayon sa pulisya, napatunayang nagahasa ang biktima sa resulta ng medical examination na ginawa sa kanya.

ADVERTISEMENT

“Based sa findings ng medico-legal… lumalabas sa kanilang medico-legal na talagang naabuso yung bata,” sabi ni Gomez.

Nasa kustodiya ng Baseco police ang mga suspek at nasampahan na ng reklamong rape.

Ipinasailalim na rin sa interbensyon ng Department of Social Welfare and Development ang biktima.

Dagdag ni Gomez, may mga ginagawang interbensyon na ang pulisya tulad ng public awareness seminars kung saan nililibot nila ang mga eskwelahan at ilang lugar para paaralan ang mga kabataan sa ganitong sitwasyon.

Paalala naman ng pulisya na makinig sa mga magulang para makaiwas sa ganitong insidente.

ADVERTISEMENT

“Nakakalungkot kasi tulad ng biktima natin kung makikita ninyo napakabata pa… kung maaari lalo na po kung pinangangaralan ng mga magulang makinig na lang po,” dagdag ni Gomez. 


IBA PANG BALITA: 

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.