Mag-ina at jeepney driver patay sa karambola ng 6 sasakyan sa Marikina | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Mag-ina at jeepney driver patay sa karambola ng 6 sasakyan sa Marikina

Christopher Sitson,

ABS-CBN News

 | 

Updated Apr 24, 2025 10:17 AM PHT

Clipboard

Mag-ina at jeepney driver patay sa karambola ng 6 sasakyan sa Marikina
iWantTFC

Watch more on iWantTFC.com. Watch hundreds of Pinoy shows, movies, live sports and news.

Watch more on iWantTFC.com. Watch hundreds of Pinoy shows, movies, live sports and news.

Tatlo ang patay at hindi bababa sa 10 ang sugatan sa karambola ng anim na sasakyan sa Barangay Fortune, Marikina City, gabi ng Miyerkoles, April 23, 2025.

Ayon sa Marikina Disaster Risk Reduction Management Office (Marikina DRRMO), kabilang sa sangkot ang isang trailer truck, isang SUV, dalawang jeep at dalawang sedan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Marikina DRRMO, hindi kinaya ng trailer truck ang paakyat na bahagi ng kalsada sa lugar kaya naatrasan nito ang ilang sasakyan habang nadaganan ang iba pa matapos na tumagilid ang dalang container van.

"Base sa initial investigation po, itong 40 footer paakyat po siya sa steep part nitong kalsada. Unfortunately, parang hindi po kinaya at umatras po siya hanggang sa nag-siete po 'yung kanyang truck. 'Yung mga kasunod po niyang sasakyan ang naatrasan," sabi ni Dave David, Hepe ng Marikina DRRMO.

ADVERTISEMENT

Umabot sa mahigit anim na oras ang rescue at retrieval operation ng BFP, PNP, DRRMO, LGU, at mga volunteer.

Ayon sa Marikina DRRMO, naging hamon sa kanila ang operasyon.

"Kasi jeep mayroon tayong naipit na buhay at 'yun ang pinaka iningatan natin sa pagkuha. Successfully, thankfully nakuha natin siya nang maayos at nadala natin siya sa ospital," sabi pa ni David.

"'Yung live victim po na female ay ipit na ipit po talaga siya," sabi ni SFO1 Jerico Ian Arellano, Team Leader ng BFP Marikina Special Rescue Force.

Kabilang sa mga nakaligtas ang isang babae na nakasakay sa harapang bahagi ng jeep na pinakahuling nasagip.

ADVERTISEMENT

Patay ang 53-anyos na jeepney driver na pinakahuling narekober dahil kinailangan pang gamitan ng crane at backhoe para mabuhat ang container van na dumagan sa driver.

Kabilang din sa nasawi ang mag-ina na sakay ng isang sedan.

Isinugod sa Amang Rodriguez Medical Center ang mga sugatan.

Kwento ng ilang nakaligtas, mabilis ang pangyayari matapos umatras ang trailer truck.

"Nakita ko na nakahinto 'yung container van na 'yan. Nung naramdaman namin na umatras, nag-atrasan na kami, ang bilis eh. Sunod-sunod na, tumalsik pa nga sakin 'yung bubog. Pumikit na ako akala ko patay na. Kasi 'yung pag-ikot nakita ko 'yung sarili kong wala na talaga," sabi ni Roger Cadigoy, isa sa mga nakaligtas.

ADVERTISEMENT

"Pinilit ko na lang iliko 'yung manibela para makaiwas kami sa gitgitan ng sasakyan na tumama sa amin. Buti na lang nakaligtas kaming lahat eh," sabi ni Ryan Moral, isa sa nakaligtas.

Nasa Marikina Police Custodial Facility na ang driver ng trailer.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.