2 sugatan sa pamamaril sa Tondo, Maynila; 1 sa mga suspek arestado | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

2 sugatan sa pamamaril sa Tondo, Maynila; 1 sa mga suspek arestado

2 sugatan sa pamamaril sa Tondo, Maynila; 1 sa mga suspek arestado

Kaxandra Salonga,

ABS-CBN News

Clipboard

MAYNILA — Balik kulungan ang 35-anyos na lalaki matapos masangkot sa pamamaril ng dalawang residente sa Tondo, Maynila, nitong Biyernes.

Ayon kay Police LtCol. Alvin Baybayan, Moriones Police Station commander, nangyari ang pamamaril mag-a-alas dos ng madaling araw.

Sa kuha ng CCTV, hinatid ng lalaking naka-itim ang naka-asul na gunman sakay ng motorsiklo sa Esmeralda Street. 

Hindi na nakuhan ang pamamaril na nangyari sa Tagumpay Street.

ADVERTISEMENT

Sabi ni PLtCol. Baybayan, sa katabing kalsada naganap ang pamamaril kung saan tinamaan sa leeg at lower abdomen ang 44-anyos na babae, habang tinamaan naman ng stray bullet sa kanang braso ang 20-anyos na lalaki.

Matapos ang insidente, nakunan ng CCTV na magkasamang tumakas ang rider at ang gunman sakay ng motorsiklo. Pero natumba ang kanilang sasakyan at tumama ang mukha ng rider sa isang nakaparadang kotse matapos silang habulin ng mga residente sa lugar.

Agad itinayo ng rider ang motorsiklo, saka tumakas at tuluyan silang nagkahiwalay ng gunman.

“After po ng insidente na yon, agad-agad po natin na kinonduct ang follow-up operation at nagkaron po tayo ng backtracking sa mga dinaanan po nilang mga eskinita,” sabi ni PLtCol. Baybayan.

Matapos ang anim na oras, natunton ng Moriones Police ang suspek na rider ng motorsiklo sa inuupahang bahay niya sa Barangay 118, Tondo.

Bago umuwi, napag-alamang binaliktad niya ang suot na damit at nagtungo muna sa ospital para ipagamot ang sugat sa mukha.

Narekober ang iniwang motorsiklo at baril na may lamang bala, na umano’y ginamit sa krimen.

Ayon kay Baybayan, dati nang nasangkot sa kasong ilegal na droga ang dalawang suspek. Mayroon ding outstanding warrant of arrest sa kasong murder ang pinaghahanap na gunman.

“Ang motibo po sa krimen ay onsehan po ng droga… yun victim po natin ay hindi po nakapag-remit doon po sa suspek po natin, yung gunman,” aniya.

Itinanggi ng suspek ang pagkakasangkot sa krimen. Aniya, matalik silang magkaibigan ng gunman pero hindi niya alam na sangkot ito sa pagpatay.

“Nagpasama lang siya pupuntahan lang daw niya asawa niya… nakarinig po ako ng putok, di ko naman po alam na magpapaputok siya doon eh. Wala po akong alam doon,” sabi ng suspek.

Hindi umano niya matanggap ang muling pagkakakulong dahil kalalaya lang niya noong March 18 matapos mahulihan ng pen gun.

Nasa kustodiya na ng Moriones Police Station ang suspek na mahaharap sa kasong frustrated murder at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act in relation to Omnibus Election Code.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.