FACT CHECK: Pekeng mga pro-Duterte rally kumakalat sa social media | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

FACT CHECK: Pekeng mga pro-Duterte rally kumakalat sa social media

FACT CHECK: Pekeng mga pro-Duterte rally kumakalat sa social media

Eliseo Ruel Rioja,

ABS-CBN Research and Verification Unit

 | 

Updated Mar 18, 2025 09:38 AM PHT

Clipboard

Nagsulputan ang mga post sa social media na gumagamit ng mga lumang materyal para palabasing rally ang mga ito para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Si Duterte ay kasalukuyang nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa the Netherlands matapos siyang arestuhin noong Marso 11, 2025. Humaharap siya sa kasong crimes against humanity kaugnay ng kanyang war on drugs kung saan libu-libo ang namatay.

Limang post ang nakita ng ABS-CBN Fact Check na gumamit ng lumang video na walang kinalaman kay Duterte at ang isa ay gumamit ng larawang ginamitan ng Artificial Intelligence (AI).

Dalawang post ang gumamit ng bidyo ng Sinulog Festival mula sa coverage ng media outlet na GMA Integrated News noong Enero 17, 2025.

ADVERTISEMENT

Makikita sa parehong post ang bidyo ng maraming tao na may hawak ng kandila habang bumibigkas ng Aba Ginoong Maria sa wikang Cebuano. Sa isang post, nilagyan ang bidyo ng caption na “Grabe nakakaiyak Pro-Duterte Prayer Rally sa Cebu,” samantala nilagyan naman ng “Pray FPRRD” ang isa.

Pinabulaanan na ito ng GMA News sa isang Facebook post.

Sa isa namang post, ginamit ang dating bidyo ng isang netizen noong nakaraang taon, Marso 17, 2024, na nagpapakita ng parada ng police, military, at safety personnel. Sa lumang bidyo, gumamit ang post ng mga hashtag na “#arawngdabaw2024 #87tharawngdabaw.” Nilapatan ang lumang bidyo ng caption na “NAGHAHANDA NA ANG MGA TAGA DAVAO CITY REVOLUTION IS COMING?” sa mapanlinlang na post.

Gayunman, ang Araw ng Dabaw ngayong 2025 ay nagsilbing rally para suportahan si Duterte.

Sa isa pang post, ginamit ang clip ng mga taong nakasuot ng luntiang damit habang naglalakad sa isang kalsada. Mababasa sa damit ng mga tao ang mga salitang “Mai Dubai” na kapareho ng mga isinusuot sa Dubai Run, isang taunang road running event sa Dubai, United Arab Emirates.

Ang mapanlinlang na bidyo ay nilapatan ng tunog ng Duterte chant na kapareho ng maririnig sa isang TikTok post noong Hunyo 30, 2024 sa Hakbang ng Maisug event sa Hong Kong. Mababasa rin sa caption ang “Dubai uae.”

Ang parehong tunog ng Duterte chant sa Hakbang ng Maisug event sa Hong Kong ay maririnig din sa isa namang bidyo. Dito, makikita ang mga deboto ng Jesus Nazareno na naka-maroon at ginto habang nasa Traslacion. Tinakpan din ng malaking sticker ng watawat ng Pilipinas ang andas, pero lumilitaw ito sa ilang parte ng bidyo.

Ang bidyo ng Traslacion na may background sound na Duterte chant ay kapareho ng bidyo sa post ng isang netizen noong Marso 29, 2024 na may hashtag na “#quiapo #blacknazarene #semanasanta2024”

Isa namang larawang ginamitan ng AI ang nagpapakita ng isang malaking pagtitipon kung saan nagsasalita sa entablado ang isang babaeng kawangis ni Bise Presidente Sara Duterte, anak ng dating Pangulong Duterte. May caption itong “Liwasang Bonifacio #bringhimhome #duterteparin.”

Unang humarap si Duterte sa Pre-Trial Chamber I noong Marso 14, 2025. Dito binasa sa kanya ang kasong kinahaharap niya, mga karapatan niya sa ilalim ng Rome Statute, at petsa ng kompirmasyon ng kanyang charges na itinakda sa Setyembre 23.


Kung kayo’y may alam na kahina-hinalang social media page, group, account, o website, artikulo, larawan, o impormasyong ipinapakalat sa mga messaging app, maaring makipag-ugnayan sa aming email factcheck@abs-cbn.com o X account @abscbnfactcheck.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.