Rider patay matapos pagbabarilin sa Commonwealth Avenue sa QC | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Rider patay matapos pagbabarilin sa Commonwealth Avenue sa QC

Rider patay matapos pagbabarilin sa Commonwealth Avenue sa QC

Lyza Aquino,

ABS-CBN News

Clipboard

MAYNILA — Patay ang isang lalaking rider matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Commonwealth Avenue sa Barangay Commonwealth sa Quezon City, Biyernes ng gabi.

Kinilala ng mga kaanak ang biktima na si Wilmer Zara, 31-anyos.

Ayon sa asawa ng biktima na si Leira Zara, sinundo siya ng biktima at kumakain sila sa may kanto ng Soliven at Commonwealth Avenue, nang mapansin nila ang isang rider na sinusubukang harangin ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority sa lugar.

"[M]eron po yung mga MMDA, meron po sinita na nakamotor po, pero hindi po nila, kumbaga tumakas yung nakamotor. Noong nakita namin nakatakas yung nakamotor, nag-decide yung asawa ko na sundan, sabi antayin ko raw siya," sabi ni Zara.

ADVERTISEMENT

Hindi niya lubos akalain na ito na pala ang huling beses na makakasama niya ang asawa.

"Naghintay po ako apat na oras, wala ako kaalam-alam sa nangyari sa asawa ko," sabi ni Zara.

KIta rin sa CCTV sa lugar ang nasabing insidente, kung saang sinubukang harangin ng dalawang tauhan ng MMDA ang rider, bago ito humarurot paalis.

Nahagip sa isa pang CCTV na bumagsak ang motorsiklo na ginamit ng biktima para habulin ang gunman. Kalaunan ay nakita rin na ginamit na ng suspek ang nasabing motorsiklo bilang getaway vehicle.

Na-recover naman ng mga tauhan ng Batasan Police Station ang motorsiklo ng biktima, ilang kilometro ang layo mula sa pinangyarihan ng krimen.

Paliwanag ni Leira, keyless kasi ang motorsiklo nila at kusa itong hihinto kapag lumayo ito ng ilang kilometro mula sa main key.

Ayon naman sa Quezon City Police District, Nakikipagugnayan na sila sa MMDA at sa mga posibleng nakakita sa krimen, para matunton agad ang gunman.

 "Nagsasagawa sila ng backtracking at forward tracking of the CCTV footage dito sa area ng pinangyarihan ng shooting incident. Yung mga na-recover dito sa crime scene ay ito po dalawang piraso ng fired cartridge na casing, ito po ay ating pinadala sa Crime Scene Unit ng Quezon City for possible ballistic identifcation," sabi ni Police Capt. Febie Madrid, tagapagsalita ng QCPD.

"Nakipagugnayan na rin po ang ating mga operatiba at ating investigator dito sa MMDA kung saan sila po ay makuhanan ng statement regarding dito sa nangyaring pagsita sa suspek na humantong sa paghabol ng biktima na accordingly ay nagvolunteer na habulin itong suspek," dagdag niya.

Palaisipan sa mga kaanak ang motibo sa pamamaril lalo na't walang kaaway at walang bisyo ang biktima. Agarang hustisya ang hiling ng mga kaanak lalo na't naulila ng biktima ang dalawa nitong anak.

"Si Wilmer nagtatrabaho, aalis siya ng umaga, uuwi siya ng tanghali  para magpapahinga, tapos aalis ulit ng hapon , babalik sa trabaho. Ganun lang routine niya o magbabasketball. Ganun lang ginagawa niya kasi wala siyang bisyo," sabi ni Eva Benter, biyenan ng biktima.

"Hindi ko alam kung nakokonsensya ka pero grabe yung ginawa mo, sa pamilya namin, yung mga anak ko , sobra kaming nahihirapan kung papaano namin ipapaliwanag kung ano ang nangyari sa daddy nila. Sana umiral ang konsensya mo, sana kusa ka nang sumuko," sabi ni Zara.

Nakatakdang i-burol ang labi ng biktima sa kanyang bahay sa Rodriguez sa Rizal, Linggo ng gabi.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.