FACT CHECK: Walang pahayag si Trump tungkol sa pag-aresto kay Rodrigo Duterte | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

FACT CHECK: Walang pahayag si Trump tungkol sa pag-aresto kay Rodrigo Duterte

Kevin Luis Fernandez,

ABS-CBN Research and Verification Unit

Clipboard

Hindi totoo ang diumano’y mga pahayag ni US President Donald Trump tungkol sa pag-aresto ng Interpol kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa bisa ng arrest warrant ng International Criminal Court sa kasong crimes against humanity.

Iniimbestigahan ng ICC si Duterte kaugnay ng madugo niyang drug war mula November 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019, mga panahong bahagi pa ang Pilipinas sa Rome Statute. Nagsilbing vice mayor ng Davao City si Duterte mula 2010 hanggang 2013 at bumalik sa pagka-mayor noong 2013, pagkatapos ay naging pangulo mula 2016 hanggang 2022.

Dalawang pekeng quote cards ng mga pahayag diumano ni Trump ang ipinagmumukhang inilabas ng pahayagang The Washington Post sa United States at BBC News sa United Kingdom. 

Sa quote card diumano ng The Washington Post, pananagutin ni Trump ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa ginawang pagpayag nito sa pag-aresto kay Duterte. Dagdag pa sa quote card, diumano’y kinontak ni Trump si Pangulong Xi Jinping ng Tsina para pag-usapan ang sitwasyon ng kanilang “good friend” na si Duterte.

ADVERTISEMENT

Ayon naman sa pekeng quote card ng BBC News, pinagbabantaan ni Trump na papatawan niya ng “50% tariffs” ang Pilipinas kapag hindi naibalik sa bansa si Duterte.

Sa panahong naisulat ang artikulong ito, wala pang inilalabas na pahayag si Trump at ang kanyang administrasyon tungkol sa pag-aresto kay Duterte. Walang makikitang anumang opisyal na press release o statement sa opisyal na website o mga social media platform ng gobyerno ng US o ni Trump. 

Mapapansin namang wala sa mga website at mga opisyal na social media platform ng The Washington Post at BBC News ang ipinakakalat na quote cards. Iba rin ang disenyo ng mga ito sa aktuwal na layout ng quote cards ng mga nasabing pahayagan. 

Umaga ng Marso 11, 2025 nang arestuhin si Duterte sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 matapos hainan ng Interpol ng warrant of arrest mula sa ICC. Lumapag sa Rotterdam The Hague Airport sa Netherlands ang eroplanong lulan si Duterte Marso 12 ng gabi sa Pilipinas (4:54 ng hapon sa Netherlands). 

Kung kayo’y may alam na kahina-hinalang social media page, group, account, o website, artikulo, larawan, o impormasyong ipinapakalat sa mga messaging app, maaring makipag-ugnayan sa aming email factcheck@abs-cbn.com o X account @abscbnfactcheck.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.