SEA Games gold medalist patay matapos saksakin habang natutulog: pulisya | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

SEA Games gold medalist patay matapos saksakin habang natutulog: pulisya

SEA Games gold medalist patay matapos saksakin habang natutulog: pulisya

Dennis Datu,

ABS-CBN News

 | 

Updated Jan 08, 2025 01:56 PM PHT

Clipboard

SEA Games gold medalist patay matapos saksakin habang natutulog. Larawan mula sa Calapan police SEA Games gold medalist patay matapos saksakin habang natutulog. Larawan mula sa Calapan police 

CALAPAN — Patay ang isang SEA Games gold medalist matapos umanong pagsasaksakin sa dibdib habang natutulog sa Calapan City, Oriental Mindoro nitong Martes ng madaling-araw, ayon sa pulisya.

Nakilala ang biktima na si Mervin Maligo Guarte, 33, miyembro ng Philippine Air Force na nakatalaga sa Fernando Airbase sa Lipa City.

Naisugod pa si Guarte sa ospital pero binawian din ng buhay.

Nangyari ang krimen sa bahay ng kaibigan ng biktima na si Barangay Kagawad Dante Abel sa Sitio Pinagkaisahan sa Barangay Camilmil, Calapan City, bandang 4:30 ng umaga, ayon kay PLtCol. Roden Fulache, hepe ng Calapan City police.

ADVERTISEMENT

Natutulog umano si Guarte sa sala ng bahay ni Abel nang saksakin sa dibdib ng hindi pa kikilalang salarin.

Nakahingi pa umano siya ng tulong sa mga kapitbahay na nagsugod sa kaniya sa Sta. Maria Village Hospital bago inilipat sa Mindoro Medical Center kung saan siya idineklarang patay.

Nanalo si Guarte ng dalawang silver medal noong 2011 Southeast Asian Games sa men's 800-meter and 1500-meter events sa track and field. Matapos nito, lumipat siya sa obstacle racing kung saan nanalo siya ng ginto noong 2019 SEA Games sa men's 5km. Parte rin siya ng team na nanalo ng gold medal noong 2023 SEA Games sa men's team relay.

GUARTE DUMAYO UMANO PARA MAKIPAG-INUMAN

Pilipinas Obstacle Sports Federation 

Lumalabas sa imbestigasyon na dumayo lamang ang biktima sa lugar at nakipag-inuman mula Lunes ng gabi hanggang alas-tres ng madaling-araw kinabukasan.

Ayon kay Fulache, inaalam na nila kung sino-sino ang mga nakainuman ng biktima para matukoy ang mga suspek at motibo sa krimen.

Narekober ng mga imbestigador sa lugar ng krimen ang kutsilyo na ginamit sa pagpatay kay Guarte.

Kinondena ni Oriental Mindoro Gov. Humerlito "Bonz" Dolor ang pagpatay kay Guarte kasabay ang panawagan ng katarungan.

"Hindi matitinag ang aming panawagan para sa katarungan at patuloy naming hinahangad na mapanagot ang mga responsible sa krimeng ito," sabi ni Dolor sa isang Facebook post.

Inatasan na rin ni Dolor si Oriental Mindoro police chief PCol. Edison Revita na agad resolbahin ang krimen.

PANOORIN:



ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.