300 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa Bacoor, Cavite | ABS-CBN

ABS-CBN Ball 2025:
|

ADVERTISEMENT

ABS-CBN Ball 2025:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

300 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa Bacoor, Cavite

300 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa Bacoor, Cavite

Lyza Aquino,

ABS-CBN News

Clipboard

iWantTFC

Watch more on iWantTFC.com. Watch hundreds of Pinoy shows, movies, live sports and news.

Watch more on iWantTFC.com. Watch hundreds of Pinoy shows, movies, live sports and news.

Nilamon ng apoy ang nasa 200 bahay sa Barangay Zapote 1 sa Bacoor, Cavite, kaninang alas singko y medya ng umaga nitong ika-13 ng Enero, 2025.

Ayon sa Bureau of Fire Protection, umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago ito naapula pasado alas-siyete ng umaga. Dikit-dikit at pawang gawa sa light materials ang mga bahay kaya mabilis na kumalat ang apoy.

"Yung area kasi makipot 'yung lugar, so we made sure 'yung access ng tropa ay mabilis. That’s why may mga vacant lots dito, may mga ibang business establishment nakiusap kami kung pwedeng butasin namin makeshift wall nila para maka penetrate kami," ani Senior Fire Operator 3 Lexter Encarnacion, BFP Bacoor Chief Operations.

Ayon sa awtoridad, nag-umpisa ang sunog sa Waling-waling Street, na mabilis umano kumalat sa katabing kanto sa Kataasan Street.

Walang naitalang nasugatan o nasawi sa sunog, pero nananawagan ng tulong ang nasa 300 pamilyang nawalan ng tirahan lalo na't karamihan sa kanila ay walang naisalba.

Isa dito si Nanay Hilda Diolanda na may anak na may cerebral palsy at epilepsy. Walang silang halos naisalbang gamit dahil inuna niyang sagipin ang lahat ng mga anak mula sa nasusunog nilang bahay.

“Meron po siyang cerebral palsy. Ayan po siya tapos inaatake po siya kanina. Tapos 'yan, di siya nakakalakad, nakahiga lang siya. Maski higaan niya wala ako nakuha. May tumulong po sa aking magdala ng upuan niya, tapos ano siya bitbit ko, tulong tulong na lang po.  Marami po kami naiwan dun pero ganun po talaga siguro,” sabi ni Dionaldo.

Problemado sila lalo na't natupok ang lahat ng gamot at iba pang medical equipment na kailangan ng kanyang anak na may sakit.

"Tulugan po siguro, 'yung special (child) ko kailangan ng  pagkain po. May gamot po siya naiwan namin, para sa epilepsy niya. Wala pong naisalba, kahit ID niya. Pagkain, diaper kung puwede, damit," dagdag ni Dionaldo.

Gamot rin ang pangunahing kailangan ni Julie Mae Lansangan para sa kanyang anak na PWD (person with disability). Lubos rin siyang nalulungkot lalo na't hindi niya naisalba ang abo ng kanyang ina na naka-cremate.

"Tapos mananawagan po sana kami ng tulong kasi wala po talaga kaming naisalba. Kahit 'yung nanay po namin na nakaabo, hindi po namin nakuha na cinremate hindi po namin nakuha 'yung abo niya. Ngayon may PWD akong anak, at may pinapagatas ako.  Hihingi po sana ako ng kaunting tulong kasi may baby pa po talaga ako," sabi ni Lansangan.

Si Shiena Grimaldo at Carmenita Vicilos naman, hindi pa lubos nakakabangon sa pinsalang tinamo nila noong mga nagdaang bagyo, ay panibagong hamon na naman ang kanilang kinakaharap matapos maabo ang kanilang mga bahay.

"Simula bata pa po kami dito na po kami nakatira kaya masakit ang loob ko na mawalan kami ng bahay. Ilang baha na po naranasan namin dito pero ganito pong sunog mahirap po talagang bumangon," giit ni Grimaldo.

"Di bale sanang nabahaan ka o nabagyo ka pero hindi 'yung ganito, na walang wala kang kukuhanan. Sino po 'yung may mabubuting loob na may gustong tumulong sa amin, tumatanggap po kami ng kahit ano po,"  sabi ni Vicilos.

Ayon naman kay Barangay Chairman Vivian Ramirez, nakahanda na ang mga modular tents at hot meals para sa mga nasunugan. Sila ay pansamantalang manunuluyan sa covered court ng barangay.

"Agaran po na nagpadala [modular tents] sa ngalan po ng aming mahal na mayor, Strike Revilla, CSWD nagpalada ng 100 [food] packs initial para sa mga nasunugan" sabi ni Ramirez.

“Humihingi po ako ng tulong sa mga karatig barangay din po namin at sa iba pa pong lugar na tulungan niyo po yung nasasakupan ko gawa po talagang wala po silang nasalbang mga gamit, kaya humihingi po ako ng tulong  sa inyo, sa food po na maitutulong ninyo, mga damit po para po maisuot ng mga bata, kasi may mga babies din po na naandito po sa loob po ng aking barangay hall,” dagdag niya.

Patuloy pang iniimbestigahan ng BFP ang posibleng pinagmulan ng apoy at kabuuang halaga ng pinsala nito.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.