2 grupo ng kabataan, nag-riot sa ikalawang Simbang Gabi | ABS-CBN

HEADLINES:
|

ADVERTISEMENT

HEADLINES:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

2 grupo ng kabataan, nag-riot sa ikalawang Simbang Gabi

2 grupo ng kabataan, nag-riot sa ikalawang Simbang Gabi

Karen De Guzman,

ABS-CBN News

Clipboard

MANILA — Nagrambulan at nagbatuhan ng molotov bomb o bote na may gasolina ang dalawang grupo ng mga kabataan sa may Mabini Bridge, Lacson Avenue sa Sampaloc, Maynila nitong Martes ng madaling araw.

Kita sa CCTV ang habulan ng mga kabataan sa gitna ng kalsada kahit pa may mga dumadaang sasakyan.

Dinig din sa video ang dalawang putok ng hinihinalang improvised gun at namataang nagliyab ang kalsada matapos nilang magbatuhan ng molotov bomb.

Nabulabog ang residente na si Amy Isidro at nangamba na baka pagmulan ito ng sunog.

ADVERTISEMENT

“Malakas ‘yung sigawan. Sobrang dami nung mga bata nagra-riot talaga galing doon, kalaban nila taga-doon. Tapos sumabog siya, ang laki ng apoy,” kwento ni Isidro.

“Natakot nga kami kasi may mga wire e. Baka ‘pag umabot sa sakayan, masunog, magkaroon ng sunog dito. Ang titigas talaga ng ulo grabe,” dagdag niya.

Ayon kay Kagawad Jeffrey Salcedo ng Barangay 409, malaking perwisyo ito sa kanila dahil ginagawang battleground o lugar ng labanan ang kanilang barangay.

Kadalasan din aniya nangyayari ang gulo tuwing Simbang Gabi o kung may malaking pagtitipon.

“Usually nangyayari ‘yan pagkaalam nila na may mga big event katulad nung unang gabi ng Simbang Gabi. Kapag maraming tao, magpapasikat sila para masabing astig o matitikas,” sabi ni Salcedo. 

ADVERTISEMENT

Dahil sa gulo, may ilang sasakyan na ang nadamay at may isang bata na rin ang nabundol ng sasakyan.

“Meron pong isang case na nabangga po ng sasakyan. Hit and run po nangyari. Naaaawa ako sa magulang, vendor po siya sa Balintawak. ‘Yung magulang ang nagsa-suffer sa gastos at pag-aalala sa bata,” sabi ni Kapitan Andrew Concepcion ng Barangay 411.

Nagtulong sa pagresponde ang Sampaloc Police at Barbosa Police na nakakasakop sa nasabing lugar.

Nasagip nila ang pitong menor de edad at nakipag-ugnayan sa kanilang mga magulang.

“Pinuntahan ‘yung mga barangay chairman, nagkaroon ng dialogue. Pinatawag din natin dito ‘yung mga magulang nila at sinabihan kung anong maaaring makaharap kung sakaling hindi ito mapigilan,” ayon kay PMaj. Philipp Ines, tagapagsalita ng Manila Police District.

ADVERTISEMENT

Sa ilalim ng Manila City Ordinance No. 8243 o Anti-Child Endangerment Act, ang mga pabayang magulang ay maaaring mapatawan ng multa ng P2,000 hanggang P5,000 at pwede ring makulong ng isa hanggang anim na buwan.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

ABS-CBN is the leading media and entertainment company in the Philippines, offering quality content across TV, radio, digital, and film. Committed to public service and promoting Filipino values, ABS-CBN continues to inspire and connect audiences worldwide.