FACT CHECK: Walang report ang ABS-CBN tungkol sa menopausal relief supplement | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

FACT CHECK: Walang report ang ABS-CBN tungkol sa menopausal relief supplement

FACT CHECK: Walang report ang ABS-CBN tungkol sa menopausal relief supplement

ABS-CBN Investigative and Research Group

 | 

Updated Jun 10, 2024 02:20 PM PHT

Clipboard

FACT CHECK: Walang report ang ABS-CBN tungkol sa menopausal relief supplement

Manipulado ang diumano’y news report ng noo’y Sakto anchor na si Amy Perez at video ni Doc Liza Ramoso-Ong na may logo at header ng ABS-CBN News tungkol sa isang mabisa umanong gamot para sa menopause.

Ang manipuladong video ni Perez ay ipinost sa Facebook page na “Dr. Apilado - Hormones Therapy,” samantala ang kay Ramoso-Ong ay ipinost sa Facebook page na “Support for Women.” Itinampok sa parehong video ang gamot na tinatawag na “Hormo Balance.”

Nag-umpisa ang manipuladong parte ng video ni Perez sa 02:55 timestamp. Sa parteng ito, maririnig si Perez na sinasabing nasubukan niya ang nasabing gamot at nalamang epektibo ito para sa kanya. Sa parte ring ito, makikita na hindi tugma ang audio sa bukas ng bibig ni Perez at ng doktor na kanyang kinakapanayam. 

Ang manipuladong video ni Perez ay mula sa orihinal na panayam ng anchor sa isang doktor sa show na Sakto sa dating DZMM Teleradyo noong Enero 11, 2023 kung saan pinag-usapan ang tungkol sa menopause. Sa orihinal na panayam ni Perez, hindi nabanggit ang gamot na Hormo Balance.

ADVERTISEMENT

Itinanggi na rin ni Perez ang nasabing post sa kanyang opisyal na Instagram account. Ayon sa kanyang post sa Instagram: “I DONT USE THAT PRODUCT AND NEVER AKO NAG REVIEW NYAN! GINAMIT ANG INTERVIEW NAMIN NI DOC AT GUMAMIT SILA NG AI PARA PALABASIN NA BOSES KO AT SINABI KO ANG BRAND NA ITO. FAKE PO YAN!”

Nilapatan din ng logo ng Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) ang nasabing pekeng video ni Perez. Sa baba ng mga logo, makikita ang pahayag na “Public Health Recommendation” at ang “FDA Advisory No. 0052-A Series of 2024.”

Sa ngayon, walang inilalabas ang FDA nitong 2024 na “Advisory No. 0052-A” taliwas sa nakalapat sa pekeng video ni Perez. 

Base sa website ng FDA, naglabas ang ahensya ng Advisory No. 0052 noong January 3, 2024. Ito ay isang babala sa publiko na huwag bumili at kumain ng produktong may pangalan na “RED LABEL Sweet Chili Sauce” dahil hindi ito rehistrado. Noong March 15, 2022 naman, naglabas ang ahensya ng Advisory No. 0052-A na nagpapawalang bisa sa isang naunang babala laban sa pagbili at paggamit ng isang partikular na COVID-19 test kit.

Kapansin-pansin din na ang ginamit na larawan sa Facebook page na “Dr. Apilado - Hormones Therapy ay larawan ng hindi totoong doktor kundi isa lamang stock photo. Ang stock photo ay isang larawan na maaaring bilhin upang gamitin para sa creative or business purposes.

Samantala, sa manipuladong video ni Ramoso-Ong, ang asawa ng cardiologist na si Doc Willie Ong, maririnig si Ramoso-Ong na inirerekomenda ang gamot na Hormo Balance sa mga kababaihang nasa menopausal stage. Makikitang hindi nakalapat ng maayos ang boses ng doktor sa buka ng kanyang bibig.

Nilapatan din ang pekeng video ni Ramoso-Ong ng logo at header ng ABS-CBN News at ng tugtog na ginagamit sa simula ng TV Patrol.

Ang pinagbatayan ng pekeng video ni Ramoso-Ong ay ang orihinal na video ng doktor na ipinost sa kanyang opisyal na Facebook page noong Nobyembre 25, 2022.

Kung pipindutin ang “learn more” o ang mismong link na nakalagay sa dalawang post, mapupunta ang user sa website na may URL na “https://hormobalance.store/.”


Ang Hormo Balance ay hindi kasama sa mga aprubadong food at drug products ng FDA.

Ang Hormo Balance ay hindi kasama sa mga aprubadong food at drug products ng FDA.

Sinasabi sa website store ng Hormo Balance na ang diumano’y kompanya na nagbebenta ng nasabing gamot ay ang Life Prolong Natural Supplements Inc. Makikita sa website ang mga diumano’y certification ng kompanya mula sa FDA, Department of Trade and Industry (DTI), at Bureau of Internal Revenue (BIR).

Bagama’t lehitimo ang nasabing kompanya at  rehistrado ito sa FDA, hindi kasama sa kanilang mga produkto ang Hormo Balance.

Sa  pahayag ng Life Prolong Natural Supplements Inc., mariin nilang itinanggi na mayroon silang kaugnayan sa nagbebenta online ng nasabing gamot.

“We would like to stress that Life Prolong has no connection whatsoever with the administration, possession, or contents of the aforementioned website, nor with the alleged fake products being promoted there,” ayon sa pamunuan ng kompanya.

Hindi ito ang unang beses na minanipula ang news reports ng ABS-CBN at pinagmukhang lehitimong account ng ABS-CBN ang mga pekeng website at account para ipromote ang iba’t-ibang produkto.

Ugaliing kumuha ng mga impormasyon sa mga lehitimong website ng ABS-CBN News at mga lehitimong social media account nito tulad ng YouTube, Facebook, X (Twitter), at Instagram.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

ABS-CBN is the leading media and entertainment company in the Philippines, offering quality content across TV, radio, digital, and film. Committed to public service and promoting Filipino values, ABS-CBN continues to inspire and connect audiences worldwide.