FACT CHECK: Hindi apela para ipaimbestiga si Duterte ang binasura ng ICC | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

FACT CHECK: Hindi apela para ipaimbestiga si Duterte ang binasura ng ICC

FACT CHECK: Hindi apela para ipaimbestiga si Duterte ang binasura ng ICC

ABS-CBN Investigative and Research Group

Clipboard

Napagkamalan ng ilang netizens na ang apela ng Pilipinas na ibinasura ng International Criminal Court (ICC) ay ang pagpapahuli o pagpapaimbestiga kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang totoo, ang isinumiteng apela ng gobyerno sa ilalim ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay ang kabaligtaran – naglalayo itong ipatigil ang imbestigasyon sa “war on drugs” campaign sa ilalim ng administrasyong Duterte. 

Ginamit ng hindi bababa sa apat na social media users ang ulat ng Rappler noong Hulyo 18, 2023.

Sa timestamp mula 00:47 hanggang 00:57, maririnig ang pahayag na “The International Criminal Court junks the appeal of the Marcos government allowing the continuation of its probe into drug-war-related killing in the country.”

ADVERTISEMENT

Ngunit sa mga post sa social media na gumamit ng ulat ng Rappler, inakala nila na ang sinasabing apela ng gobyerno na inihain sa ICC ay tungkol sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa drug war ng administrasyong Duterte. 

Sa isa sa mga post sa Tiktok makikitang nilapatan ang video ng tekstong: “ICC reject [sic] the appeal of Marcos government para mapatawan ng parusa si Duterte pero bigo ang Marcos admin.” 

Habang ang teksto naman na nakalagay sa isa pang post sa TikTok ay: “Hoy ICC nyu ne reject ang pag huli [kay] Rodrigo Duterte.” 

Kumalat din ang nasabing clip ng Rappler report sa X (dating Twitter) kung saan mababasa ang caption na: “KAPAL NG MUKHA NG TRAYDOR NA GOBYERNONG BANGAG AT SILA PALA NAGREQUEST SA ICC.” 

MGA APELA SA PAGPAPATIGIL NG IMBESTIGASYON

Noong Setyembre 15, 2021, unang pinahintulutan ng Pre-Trial Chamber ng ICC ang pagbubukas ng imbestigasyon sa kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte. Matapos nito ay nagpetisyon ang gobyerno ng Pilipinas na ipagpaliban ang imbestigasyon dahil “fully functional” ang mga lokal na institusyon para magsiyasat ng sarili nitong mga kaso.

Ipinagpatuloy ang imbestigasyon noong Enero 26, 2023 matapos hindi makuntento ang ICC sa mga hakbang ng gobyerno ng Pilipinas para imbestigahan ang mga kaso ng pagpatay na may kaugnayan sa ilegal na droga.

Umapelang muli ang Pilipinas ngunit ibinasura rin ito ng ICC noong Hulyo 18, 2023 at pinagtibay ang nauna nitong desisyon para magpatuloy sa pagsisiyasat ang ICC prosecutor. 

The decision of Pre-Trial Chamber I entitled “Authorisation pursuant to article 18(2) of the Statute to resume the investigation” of 26 January 2023 (ICC-01/21-56-Red) is confirmed,” nakasaad sa desisyon ng ICC.

Umalis ang Pilipinas sa Rome Statute noong Marso 17, 2018 at naging epektibo ito matapos ang isang taon. Gayunpaman, tuloy ang imbestigasyon sa mga kaganapan sa bansa na may kinalaman sa war on drugs mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019, noong panahong miyembro pa ang Pilipinas ng kasunduan.

Sa datos na nakalap ng ABS-CBN Investigative and Research Group mula Mayo 10,2016, isang araw matapos ang eleksyon, hanggang Mayo 20, 2022, naitala ang mahigit pitong libong kaso ng pagkamatay na may kaugnayan sa ilegal na droga.

Sa bilang na ito, halos limang libo ang namatay sa mga operasyon ng mga ahensya ng gobyerno, halos 2,000 ang napatay ng mga hindi kilalang suspek, at halos 300 ang mga bangkay na natagpuan sa mga pampublikong lugar.

Kasalukuyang nagsasagawa ng mga pagdinig at imbestigasyon ang House of Representatives quad-committee (quadcomm) tungkol sa posibleng koneksyon ng Philippine offshore gambling operators o POGOs, ilegal na droga, extrajudicial killings, at human rights violations sa war on drugs.  

Nagsimula na rin noong Oktubre 28, 2024 ang hiwalay na pagdinig ng Senado tungkol sa drug war. Dinaluhan ito ni dating Pangulong Duterte, dating Senador Leila de Lima, at mga nakalipas na hepe ng Philippine National Police.

Kung kayo’y may alam na kahina-hinalang social media page, group, account, o website, artikulo, larawan, o impormasyong ipinapakalat sa mga messaging app, maaring makipag-ugnayan sa aming email factcheck@abs-cbn.como X (formerly Twitter) account @abscbnfactcheck.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.