FACT CHECK: Walang report ang ABS-CBN tungkol sa isang casino mobile app | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

FACT CHECK: Walang report ang ABS-CBN tungkol sa isang casino mobile app

FACT CHECK: Walang report ang ABS-CBN tungkol sa isang casino mobile app

ABS-CBN Investigative and Research Group

 | 

Updated Oct 18, 2024 04:33 PM PHT

Clipboard

Hindi totoo at manipulado ang diumano’y ulat ng ABS-CBN News tungkol sa bagong mobile casino app ng isang social media personality.

Sa nasabing video, makikita si ABS-CBN News anchor Stanley Palisada sa karaniwang set-up ng programang Business Roadshow ng ABS-CBN News Channel (ANC) kung saan siya ay host.

Tila mula sa Agosto 19 na episode ng Business Roadshow ang ginamit sa pekeng video.

Minanipula ang bibig at boses ni Palisada sa pamamagitan ng deepfake teknik na lip syncing upang magmukhang iba ang kanyang sinasabi. Nilapatan din ng logo ng ABS-CBN ang itaas ng pekeng video upang magmukhang lehitimong news report nito.

ADVERTISEMENT

Pinabulaanan ni Palisada ang manipuladong video.

“The video, which was posted on Facebook, shows snippets of the ANC newscast carved out, enhanced by AI (artificial intelligence) and repurposed as an infomercial,” saad niya.

Dagdag ng news anchor, inireport na niya ito sa Meta, ang parent company ng Facebook kung saan naipost ang pekeng video.

Ayon sa pekeng news report, libo-libong tao na ang diumano’y nag-install ng mobile casino app na inilunsad ng vlogger na si Lincoln Cortez Velasquez, o mas kilala bilang “Cong TV.” Kumikita umano ang mga ito ng P30,000 kada araw.

Sa monitor sa tabi ni Palisada, pinalitan ang tekstong “Business Roadshow” ng larawan ni Cong TV.

Ipinakita rin sa manipuladong video ang ilang kuha mula sa isang vlog ni Cong TV na ini-upload noong Pebrero 14, 2024.

Sa pamamagitan ng kanyang talent agency na Kreativden Entertainment, itinanggi ng vlogger na naglunsad ito ng isang online casino application.

“Currently, Cong TV is NOT in partnership with any online casino application and haven’t [sic] done so in the past,” paglilinaw nito sa isang pahayag na ipinadala sa ABS-CBN Fact Check.

Hindi ito ang unang beses na minanipula ang mga news report ng ABS-CBN upang magmukhang iba ang sinasabi.

Ugaliing kumuha lamang ng mga impormasyon sa lehitimong website ng ABS-CBN News at mga opisyal na social media account nito tulad ng YouTubeFacebookX (formerly Twitter), at Instagram.

Kung kayo’y may alam na kahina-hinalang social media page, group, account, o website, artikulo, larawan, o impormasyong ipinapakalat sa mga messaging app, maaring makipag-ugnayan sa aming email factcheck@abs-cbn.com o X (formerly Twitter) account @abscbnfactcheck.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

ABS-CBN is the leading media and entertainment company in the Philippines, offering quality content across TV, radio, digital, and film. Committed to public service and promoting Filipino values, ABS-CBN continues to inspire and connect audiences worldwide.

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.