Malakas na ulan, baha, landslide, nagbabadya sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Malakas na ulan, baha, landslide, nagbabadya sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao

Malakas na ulan, baha, landslide, nagbabadya sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao

ABS-CBN News

Clipboard

Napinsala at nananatiling lubog sa baha ang ilang lalawigan sa bansa bunsod ng walang tigil na ulang dala ng bagyong "Paolo."

Sinuspinde ng lokal na pamahalaan ng Negros Oriental ang pasok sa lahat ng antas nitong Huwebes.

Kuha ni Annie Perez

Nag-brownout naman sa halos buong siyudad ng Dumaguete City nang itumba ng malalakas na hangin ang mga poste ng koryente noong Miyerkoles, Oktubre 18.

Umapaw ang spillway ng Bianca River, na nagdulot ng pag-apaw ng ilog.

ADVERTISEMENT

Natangay din ang ilang puno ng matinding baha.

Inilikas na ang ilang residente sa lugar.

Sa Valencia, Negros Oriental, nasa 50 pamilya ang nananatili sa kapilya ng Barangay Palinpinon matapos silang palikasin dahil sa pag-apaw ng Okoy River.

Hindi na rin madaanan ang pangunahing kalsada sa bayan dahil umabot na ang baha roon.

Inirekomenda na ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ng Negros Oriental ang sapilitang paglikas ng mga residenteng nakatira sa mababang lugar na malapit sa mga anyong tubig o maaaring pagguhuan ng lupa.

ADVERTISEMENT

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ng Negros Oriental, isa ang nasawi dahil sa pananalasa ng bagyo. Kinilala ang biktimang si Rodolfo Alasan, 71 anyos na magsasaka mula Santa Catalina.

'State of calamity'

Isinailalim na rin sa state of calamity ang Zamboanga City nitong Huwebes, Oktubre 19.

Mahigit 300 bahay ang napinsala dahil sa matinding baha at malalakas ng hampas ng alon.

Nasa 3,000 pamilya na rin ang inilikas mula sa iba't ibang mga barangay simula noong Linggo, Oktubre 15.

Apektado ang lugar ng tatlong weather systems--Intertropical Convergence Zone noong weekend; low pressure area, at bagyong Pablo nitong mga nakalipas na araw.

ADVERTISEMENT

Ayon sa lokal na pamahalaan, aabot na sa P60 milyon ang halaga ng napinsala sa sektor at agrikultura at pangingisda.

Sa tala ng City Disaster Risk Reduction and Management Council, pito ang patay dahil sa pagkalunod at insidente ng electrocution o pagkakuryente.

Tatlong iba pa ang sugatan.

Suspendido rin ang pasok sa lahat ng antas ng paaralan nitong Huwebes.


Video mula sa Biliran Island Facebook page

Samantala, halos hanggang tuhod ang baha sa bayan ng Naval sa Biliran.

ADVERTISEMENT

Nagkumahog ang ilang empleyado ng isang department store sa bayan na limasin ang tubig na nakapasok sa kanilang tindahan.

Noong Miyerkoles, sinuspinde rin ang pasok sa mga paaralan ng Naval at bayan ng Almeria.

Nagbabala ang PAGASA sa mga residente ng ilang rehiyon sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa bagyong "Paolo" at isang low pressure area (LPA).

Sa weather bulletin na inilabas ng ahensiya nitong Huwebes, alas-4 ng hapon, inaasahang patuloy na magdadala ng malalakas na ulan ang Paolo sa Bicol, Zamboanga, ARMM, Mindoro, Marinduque, Romblon, at ilan pang bahagi ng Visayas at Mindanao.

Dulot naman ng LPA ang sama ng panahon sa Palawan.

ADVERTISEMENT

Namataan ang LPA sa layong 175 kilometro (km) hilagang-kanluran ng Puerto Princesa, habang nasa layong 930 km silangan ng Baler, Aurora ang bagyong Paolo.

-- Ulat nina Jenette Fariola-Ruedas, Annie Perez at Jewel Reyes, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.