Filipino folk dance, pinananatiling buhay ng mga Pinoy sa Brisbane, Australia | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Filipino folk dance, pinananatiling buhay ng mga Pinoy sa Brisbane, Australia

Annalyn Mabini | TFC News Australia

 | 

Updated Sep 10, 2021 09:12 AM PHT

Clipboard

BRISBANE, AUSTRALIA – Itinampok ang mga folk dance o mga katutubong sayaw ng Pilipinas sa nakaraang Buwan ng Wika Festival na ginanap noong ika-28 ng Agosto, 2021 sa Queensland Multicultural Centre sa Brisbane, Australia.

Ang Filipino folk dancers mula sa HIRAYA Performing Artists Brisbane, isang cultural dance group na nagsusulong na panatilihing buhay at patuloy na pagyamanin ang mga katutubong sayaw sa Pilipinas, ang siyang nagtanghal sa nasabing festival. Kahit pa ang ilan sa kanila ay permanent residents o di kaya’y Australian citizens na, hindi pa rin tinatalikuran ng ating mga kababayan ang lahing Pilipinong kanilang pinagmulan.

hiraya
HIRAYA Performing Artists Brisbane

Sa panayam ng TFC News kay Dixie Morante, Presidente ng Filipino Australian Brisbane Society o FABS, aksidente lamang ang pagkakabuo sa HIRAYA cultural dance group.

“We basically just wanted to give cultural dance workshops to show accurate moves, attires, expressions of the various ethnic and groups in the Philippines. Then the group decided to come up with a name...so they will be identified in the community as cultural performers that want to give honour to our culture and not just put on a show,” kuwento ni Ms. Morante.

ADVERTISEMENT

May 25 na miyembro ang HIRAYA cultural dance group, mula sa mga bata, teenagers, yuppies at hanggang sa “not-so-oldie," umiindak sa saliw ng katutubong sayaw ng mga Pilipino.

"...from all ages: primary school kids to people in their 50’s and coming from all walks of life – students, international students, professionals, workers, business owners,” ani Ms. Morante.

hiraya
Ang HIRAYA Performing Artists Brisbane habang sumasayaw ng Tinikling

Isa si Joshua Miguel Cruz Vicente, 25 anyos at isang part-time barista, dancer at language teacher, sa mga miyembro ng HIRAYA. Sampung taon na siya sa Australia at kahit isa ng naturalized Australian citizen, pinili pa rin niyang magsayaw ng Filipino folk dance.

“Nahilig po ako sa mga katutubong sayaw kasi lagi po akong naghahanap ng paraan dati na mapanatiling buhay ang kulturang Pilipino sa aking sarili, lalung-lalo na dahil halos dito na ako lumaki sa Australia. Naaalala ko na tuwing napapanood ko ang mga katutubong sayaw natin sa Youtube ay natutuwa ako at naalala ang buhay ko dati sa Maynila, mga alaala sa inang bayan. Ninais ko ring higit na makilala ang sarili at ang nakaraan ng aking mga ninuno, at sa pamamagitan ng sayaw at tradisyunal na musika, naging mas malapit ako sa kanila at sa ating kultura,” sabi ni Miguel.

Para naman sa isa sa mga choreographer ng HIRAYA na si Michelle Macam Lopez, 49 anyos at 3 taon ng permanent resident sa Australia, nasa lahi na nila ang pagsasayaw.

ADVERTISEMENT

“Ako ay nagmula sa angkan ng mananayaw. Kinamulatan ko sa aking mga ninuno at maging sa aking magulang ang pagsasayaw. Simula sa pagkabata ay sumasali na ako sa mga sayawan sa fiesta at street dancing hangang sa ako ay makapag-aral at makatapos ng kolehiyo. Ako ay lumaki at nakasama sa iba’t ibang Folk dance group sa Pilipinas. Masasabi kong ito ay naging passion at tumatak sa aking puso,” kuwento ni Michelle.

hiraya
(Left) Dixie Morante | (Middle) Joshua Miguel Cruz Vicente | (Right) Michelle Macam Lopez

At kahit naging challenge sa grupo ang kanilang rehearsal dahil sa COVID-19 restrictions, itinuloy nila at ginawan ng paraan ang pag-e-ensayo para sa kanilang kauna-unahang pagtatanghal na itinampok sa Buwan ng Wika Festival.

“Nung panahon na may restriction, hinahati namin ang aming mga mananayaw kung ilan lang ang puwede sa studio, hinati namin ang mga oras ng pag-e-ensayo. meron sa umaga, sa tanghali , sa hapon at meron din sa gabi, depende sa mga parte ng kanilang sasayawin. Dumating din kami sa punto na kinailangan din naming mag-practice on line via zoom. Tinitiyak namin ang kaligtasang pangkalusugan ng bawat isa kaya mahigpit din naming pinatupad ang lahat ng protocol ng gobyerno,” ani Michelle.

Magkahalong kaba at saya naman ang naramdaman ni Miguel nang sila ay umiindak na sa entablado para sa nasabing festival.

“Nakakakaba ngunit nakakasabik nung dumating na yung araw mismo, pero damang-dama naming lahat ang aming pinagpaguran sa mga nakalipas na buwan. Bagamat mahirap ilarawan ang kaba at sayang naghalo habang nasa harap na ako ng marami at nagsasayaw, gusto ko muli itong subukan at masanay pa ng higit upang makapagbigay ng parangal sa kulturang Pilipino,” kuwento ni Miguel.

ADVERTISEMENT

Para kay Ms. Morante, ang mga ganitong pagtatanghal ng mga katutubong sayaw ng Pilipino sa Australia ay dapat ipagmalaki ng bawat Pilipino:

This is vital for the Filipino to be proud of where they come from. Even 2nd generation Filipinos love to perform our cultural dances.”

“Nais kong ipagmalaki sa buong mundo ang pamana ng ating lahi ang ating pinagmulan. Nais kong manatiling buhay hanggang sa mga susunod pang henerasyon ang Folk dance. Ipinagmamalaki ko na ang ating katutubong kultura at sining ay napalaking halaga at bahagi ng kung sino at ano ang ating pinagmulan, Ito ay isang katangiang Pansarinlan,” dagdag namin ni Michelle.

May mensahe naman si Miguel sa kanyang mga kapwa kabataan sa Australia:

“..nais kong ipaalala sa inyo ang dangal ng lahing Pilipino. Bagamat marami sa atin ang lumaki na dito at ang mga magulang ay naka-integrate na sa komunidad ng mga Australyano, huwag na huwag nating kalilimutan ang mahalagang pamana mula sa ating mga ninuno, ang kayamanan at karunungan na naipasa sa bawat henerasyon, kabilang na rito ang ating mga katutubong sayaw. Kadalasan pa ay may kapupulutan ng aral ang mga ito at nagbibigay silip sa panahong nakalipas. Kaya masigla nating kilalanin ang ating kultura at magsumikap na tuklasin ang ating sining at kasaysayan upang tayo ay maging mga huwarang anak ng bayan, ang pag-asa ng ating lahi. Mabuhay po ang lahing kayumanggi!"

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.