Lindol sa Leyte: 2 patay, higit 100 naospital | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Lindol sa Leyte: 2 patay, higit 100 naospital

Lindol sa Leyte: 2 patay, higit 100 naospital

ABS-CBN News

 | 

Updated Jul 08, 2017 12:01 AM PHT

Clipboard

Di bababa sa 2 tao ang patay at mahigit 100 ang naospital matapos yanigin ng 6.5 magnitude na lindol ang Leyte noong Huwebes ng hapon, ayon sa mga opisyal.

Idineklara na rin ang 'state of calamity' sa Kananga, Leyte ngayong Biyernes ng umaga.

Dalawa na ang iniulat na nasawi sa Kananga at Ormoc habang nasa 72 na ang sugatan, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Center, at kay Edgar Posadas, direktor ng Office of Civil Defense ng Rehiyon 8.

Nasa 138 katao naman mula sa mga kalapit na munisipalidad ang dinala sa mga ospital sa Ormoc upang maipagamot, ayon sa inisyal na tala ng City Disaster Risk Reduction and Management Council.

ADVERTISEMENT

Ayon kay Kananga Mayor Rowena Codilla, isang tao ang namatay matapos gumuho ang isang gusali sa kanilang bayan matapos ang pagyanig.

“Mayroon tayong one casualty, fatality. And then ‘yung outpatients, we treated already 20. [Ang namatay ay si] Jerry Mediavilla, 42. He’s from Ormoc. Wala pa akong update kung nabagsakan pero I think nabagsakan,” ani Codilla.

Kinumpirma naman ni Leyte Rep. Lucy Torres-Gomez ang namatay sa Ormoc.

"Here in Ormoc, there’s one casualty confirmed but total number of patients have [gone up] to 40, most of them trauma patients," ayon kay Leyte Rep. Lucy Torres-Gomez.

Isang 18 anyos na dalaga naman ang namatay matapos ang pagguho ng lupa kasunod ng lindol. Nailigtas naman ang kaniyang anak.

ADVERTISEMENT

"Dito sa Ormoc City, mayroong isang babaeng 18-years-old na namatay doon sa landslide sa barangay nila and nasa loob siya ng bahay, natabunan siya ng bahay nila. Mayroon siyang anak na 5 months old, nakuha ‘yung bata. Ligtas ‘yung bata," ani Ormoc City Mayor Richard Gomez.

Ayon din sa Office of Civil Defense, pito ang naitalang sugatan sa Kananga, at 26 naman sa Carigara, alas-11 ng gabi ng Huwebes.

Inaasahang madaragdagan pa ang bilang ng mga sugatan lalo'y maraming bahay ang totally damaged sa lindol, ayon kay Mina Marasigan, tagapagsalita ng National Disaster Risk Reduction and Management Center.

Karamihan sa mga ito ay nasa upland barangay na malapit sa epicenter ng lindol.

Tumama ang magnitude 6.5 na lindol 15 kilometro hilagang silangan ng Ormoc, na malapit din sa sentro ng Jaro, Leyte, bandang alas-4 ng hapon ng Huwebes.

ADVERTISEMENT

Rescue operations, itinigil na

Itinigil na ang isinasagawang rescue operations sa Kananga, Leyte dahil nailabas na umano ang lahat ng mga naipit sa gumuhong gusali sa Kananga, Leyte kasunod ng lindol.

Ayon kay Leyte Gov. Leopoldo Dominic Petilla, nakuha na ang walong naipit sa gusali pero isa sa kanila ang binawian ng buhay, habang ang isa naman ay nasa malubhang kalagayan at kailangang operahan.

"After na makuha 'yung walo, wala nang reported missing... Kaya lang siniguro pa rin ng mga rescue team na pinatay lahat ng engines para matingnan kung mayroon pang nag-iingay sa loob," ani Petilla.

State of calamity, idineklara sa Kananga

Idineklara na ang 'state of calamity' sa Kananga, Leyte na isa sa mga niyanig ng magnitude 6.5 lindol kahapon.

Ayon kay Kananga, Leyte Vice Mayor Elmer Codilla, may inilaang P2.7 milyong piso na calamity fund na puwedeng gamitin ng lokal na pamahalaan kung kakailanganin.

ADVERTISEMENT

Walang kuryente

Wala pa ring kuryente sa Eastern Visayas dahil sa pagbagsak ng Tower 18 ng National Grid Corporation of the Philippines sa Kananga.

Blackout pa rin naman ang buong probinsya ng Bohol, Samar, at timog na bahagi ng Leyte dahil sa lindol, ayon sa ulat ng Electric Power Industry Management Bureau ng Department of Energy.

Na-shutdown lahat ng planta ng kuryente ng Energy Development Corporation dahil sa lindol, kaya wala pa ring kuryente sa mga naturang lalawigan, ayon kay Director Mylene Capongcol.

May suplay naman aniya ng kuryente sa Cebu, Negros, at Panay Island.

Tiniyak din ni Capongcol na inaayos na ang mga napinsalang transmisison line ng NGCP at planta ng kuryente para agad na maibalik ang suplay nito.

ADVERTISEMENT

Ngunit, hindi pa rin masabi ng NGCP kung kailan maibabalik sa buong Visayas ang kuryente.

Sa kabilang dako, wala namang problema sa biyahe sa airport o pier.

"Wala namang naiulat na kanselasyon ng kahit na anong flights due to the earthquake. meron tayong mga iba't ibang airports dito sa Tacloban, sa Calbayog, sa Catarman, at sa Ormoc, wala naman po tayong naiulat na kanselasyon ng mga biyahe ng mga eroplano o mga seaports natin sa Silangang Visayas," ani Posadas.

Mahabang pila sa mga gasolinahan, igiban ng tubig

Mahaba ang pila sa mga gasolinahan sa Ormoc City dahil nais ng mga residenteng bumili ng gas para sa kanilang panluto at kuryente.

Bukod sa gasolinahan, mahaba rin ang pila sa mga lugar kung saan puwedeng mag-igib ng tubig.

ADVERTISEMENT

Naapektuhan kasi ng kawalan ng kuryente ang local water supplier sa lalawigan.

Kanya-kanya ring bili ngayon ng mga generator ang mga residente sa Tacloban dahil sa kawalan ng kuryente.

Ayon kasi sa mga residente roon, natatakot sila kapag walang ilaw dahil naaalala umani nila ang super typhoon Yolanda na tumama noon sa kanila.

Tulong, ipinananawagan sa Ormoc

Nanawagan ng karagdagang tulong si Ormoc City Mayor Richard Gomez matapos ang lindol kahapon.

Kailangan ngayon ng heavy equipment para sa clearing operations sa kanilng lugar, ayon kay Gomez.

ADVERTISEMENT

Marami kasing mga kabahayan ang gawa sa light materials ang nasira dulot ng landslide.

Ang paglambot ng lupa dulot ng mga sunod-sunod na pag-ulan ang isa sa mga itinuturong dahilan sa lalong pagpapalala ng landslide matapos ang lindol.

Walang pasok

Kinansela na ang klase ngayong araw sa lahat ng eskuwelahan sa Leyte, ayon kay Gov. Petilla.

Patuloy pa rin kasing inaassess ng lokal na pamahalaan ng Jaro, Leyte ang mga gusali.

Binisita rin ng PhiVolcs ang lugar upang alamin kung mayroong mga 'visible' na pagbitak ng lupa lalo na sa mga kabundukan.

-- Ulat nina Melanie Bingco, Ranulfo Docdocan, at Henry Atuelan, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.