Halos P1.5 B halaga ng dengue vaccine, nakatengga sa cold storage ng gobyerno | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Halos P1.5 B halaga ng dengue vaccine, nakatengga sa cold storage ng gobyerno

Halos P1.5 B halaga ng dengue vaccine, nakatengga sa cold storage ng gobyerno

ABS-CBN News

Clipboard

Halos 200 na ang namatay dahil sa dengue ngayong taon, ngunit nananatiling nakatengga sa cold storage ng gobyerno ang dengue vaccine na nagkakahalaga ng may P1.5 bilyong piso.

Kasama sa mga nakaimbak na mga gamot at bakuna sa cold storage ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang dengvaxia, ang kauna-unahang bakuna kontra dengue sa mundo.

Kahon-kahong dengvaxia ang nakaimbak sa Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa. Gigi Grande, ABS-CBN News

Hindi gamot sa dengue ang dengvaxia, ngunit ayon sa manufacturer nito, maaaring patibayin ng bakuna ang resistensiya sa dengue.

Dahil sa taon-taong may namamatay na daan-daang Filipino dahil sa dengue, gumastos ang nakaraang administrasyon ng P3 bilyon para sa vaccine na dengvaxia.

ADVERTISEMENT

Target mabakunahan ang isang milyong estudyante sa grade 4 na siyam na taong gulang pataas sa mga pampublikong paaralan sa National Capital Region, Region 3, at Region 4-A. Ito ang mga lugar na naitalang may pinakamataas na kaso ng dengue noong 2015.

Gayunpaman, wala pang 1 milyon ang mga batang naka-enroll, at nasa kalahating milyong magulang lamang ang pumayag sa bakuna, kaya lumalabas na sobra sobra ang biniling dengvaxia kumpara sa target na mga bata.

Source: Women, Men and Children's Health Development Division, Family Health Office, Department of Health

Ngayon ay nakatengga lang sa RITM ang mga di nagamit na bakuna na nagkakahalaga ng halos P1.5 bilyong piso.

Nagbabala naman si Dr. Tony Leachon, dating presidente ng Philippine College of Physicians, na hindi dapat binibigay ang bakuna sa napakaraming bata dahil bagong produkto lamang ang dengvaxia, at maaaring umabot ng taon bago lumutang ang mga side effects at komplikasyon.

"That’s a huge amount of money para magkamali," ani Dr. Leachon.

ADVERTISEMENT

Dati na ring binatikos ni Health Secretary Paulyn Ubial ang timing ng pagkakabili at pagkakalunsad ng Dengue Vacccination program, dahil ginawa ito sa kasagsagan ng kampanya para sa 2016 presidential elections.

"We are looking at efficacy and cost effectiveness. There are several vaccines in the process of clinical trials, and will be available in the market by 2018. There is information they are more effective than the current one we are using," ani Sec. Ubial.

Naging hamon din sa programa ang kontrobersiya ng pagkamatay nitong nakaraang taon ng tatlong batang nabigyan ng bakuna.

"There is a committee that reviews the adverse events following immunization. They came out with their report that the deaths are coincidental. They are not related to dengvaxia," ayon kay Ubial.

Ang mga nakatenggang bakuna ay may expiration date na Mayo at Agosto 2018 kaya kailangan nang maghanap ng gagamit nito para hindi ito masayang.

ADVERTISEMENT

Ayon sa Dengue Vaccine Implementation Committee, ngayong buwan inaprubahan ni Ubial ang panukala ng komite na ialok ang mga nakaimbak na dengvaxia sa Quezon City, Maynila, Makati, at Caloocan para sa mga batang may edad siyam hanggang 14 na taon.

Nagpaalala naman si Dr. Leachon na hindi dapat isiping solusyon ang bakuna laban sa dengue.

Kailangan pa ring magtulungan ang mga opisyal at komunidad para linisin at alisin ang mga lamok na nagdadala ng dengue.

-- Ulat ni Gigi Grande, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.