ALAMIN: Iba't ibang allergy dulot ng gamot | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

ALAMIN: Iba't ibang allergy dulot ng gamot

ALAMIN: Iba't ibang allergy dulot ng gamot

ABS-CBN News

Clipboard

Ang gamot ang pangunahing tugon sa iba’t ibang kondisyon o sakit. Ngunit, maaari rin itong maging sanhi ng allergy sa balat at magdulot ng pamumula, pamamantal, pamamaga, at iba pa.

Sa programang ‘Magandang Gabi Dok’, inilahad ng dermatologist na si Dr. Emerson Vista ang iba’t ibang allergy sa balat na dulot ng mga gamot na iniinom.

Una na rito ang 'exanthematous drug eruption' kung saan nakararanas ng pamumula na may kasamang pangangati at pag-iinit ng balat.

Ikalawa ay ang 'fixed drug eruption' kung saan nangingitim ang isang bahagi ng balat. Ayon kay Vista, parang pekas o pasa ang kondisyon na ito.

Samantala, pamamantal ng balat naman ang nararanasan ng mga may urticaria. Maaari rin itong lumala at magkaroon ng pamamanas o pamamaga ng mata.

Mayroon ding photosensitivity drug reaction kung saan namumula ang balat na nabababad sa sikat ng araw.

Bukod sa mga ito, maaari ring magkaroon ng tila nasunog na balat at iba pang komplikasyon dulot na allergy sa gamot. Tinatawag itong Stevens Johnson Syndrome (SJS) at Toxic Epidermal Necrolysis (TEN).

Tinatawag itong SJS kapag kaunting bahagi pa lamang ng balat ang naapektuhan. Kapag higit 30 porsiyento na ng balat ang apektado, tinatawag nang TEN ang kondisyon.

Maaari ring magkaroon ng iba’t ibang komplikasyon ang SJS at TEN. Ang mga pasyente nito ay karaniwang inilalagay sa burn unit ng ospital upang mahiwalay sa iba at hindi na tuluyang maimpeksiyon.

Madalas nakararanas ng SJS at TEN ang mga pasyenteng umiinom ng allupurinol at cotrimoxazole, o ang mga gamot sa iba’t ibang impeksiyon.

Ang iba pang gamot na madalas nagiging sanhi ng allergy ay ang penicillin, amoxicillin, anti-psychotic drugs, diclofenac, ibuprufen, at iba pang muscle relaxant.

Paglilinaw naman ni Vista, ligtas pa ring uminom ng mga gamot na nabanggit. Sadyang may ilang tao lamang na may allergy sa mga ito.

“Safe pa rin uminom ng mga ganitong antibiotic. Mayroon lang talagang tao na maaaring magkaroon ng allergy sa mga ganitong gamot,” ani Vista.

Payo niya, kapag nakaranas ng mga allergy na hinihinalang dulot ng gamot, itigil ang pag-inom nito at agad kumosulta sa doktor.

Mainam rin aniya na bago pa lamang uminom ng gamot, magpatingin muna sa doktor.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.