Dating child star na si Baby Jane, inalala ang pumanaw na ama | ABS-CBN

ABS-CBN Ball 2025:
|

ADVERTISEMENT

ABS-CBN Ball 2025:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Dating child star na si Baby Jane, inalala ang pumanaw na ama

Dating child star na si Baby Jane, inalala ang pumanaw na ama

ABS-CBN News

Clipboard

Nagdadalamhati ngayon ang mga naulila ni Horacio de Jesus o mas kilala bilang Tarzan ng singing duo na Tarzan at Baby Jane.

Pumanaw nitong Martes ang singer sa edad sa 76 anyos dahil sa stroke.

Sa kanilang tahanan sa Dagat-Dagatan sa Caloocan, nakapanayam ng ABS-CBN News si Raquel de Jesus o si "Baby Jane" na sumikat noong dekada 70 hanggang dekada 80.

Dito, muling binalikan ni Baby Jane ang mga masasayang alaala bilang isang dating child star kasama ang ama na isa namang komedyante at mang-aawit noon.

ADVERTISEMENT

"'Yung buhay kasi namin dati, para na kaming nakatira sa sasakyan. Parang sa isang araw nag so-show kami ng lima, hanggat kaya, hangga't madilim, ganun. Kahit malayo at malapit, pupuntahan talaga namin," kuwento ni Raquel.

"Uuwi kami para kumuha ng bagong costume, tapos aalis ulit. May time talaga na hindi na kami nakakauwi, talagang dala na namin lahat. Mag-show, uuwi, mag-show, uuwi, ganun," dagdag niya.

Sa kanyang kasikatan noon, naging bahagi rin si Baby Jane ng ilang sikat na sitcom at pelikula kasabay ni Ian Veneracion.

"Nagawa ko 'yung 'Super Text,' tapos sa sitcom naman sa 'Joey and Sons,' mahaderang kalaro ako ni Ian Veneracion. Sa 'Lotlot and Friends,' makulit na host naman ako doon," kuwento niya.

Pagtungtong ng kanyang kadalagahan, mas pinili ni Baby Jane na ipagpatuloy ang kanyang buhay malayo sa mundo ng showbiz hanggang sa nakabuo na siya ng kanyang sariling pamilya.

ADVERTISEMENT

"Nag-Japan ako, nakapag-asawa ako ng Hapon. So bale nag-stay na ako sa Japan tapos babalik dito, tapos ganun. So nawalan na ako ng koneksyon sa kanila na minsan nami-miss ko rin," paliwanag niya.

Gaya ng kanyang pagka-miss sa nakagisnan na buhay noon, mas nangingibabaw ngayon kay Baby Jane ang kanyang pangungulila sa ama.

"Siguro 'yung mga lambing niya, tapos 'yung mga pangaral niya sa amin, 'yung kakulitan niya rin. 'Yun siguro 'yung mga mami-miss ko sa kanya," emosyonal na tugon niya.

"Nagpapasalamat ako sa kanya kasi kahit anong pinagdaanan namin, lagi siyang andyan sa tabi namin. Kahit na nag-aaway kami, hinding-hindi niya ako tinatalikuran. At sana kahit na wala na siya, gabayan pa rin niya kami, kaming pamilya ng kapatid ko, lahat kami. Sana lagi siyang andiyan, wag siyang magsawa."

Lumipas man daw ang kinang ng bituin sa kanilang karera, nais pa rin ni Baby Jane na maiwan ang mga alaala ng ama na isang mapagmahal at masayahing tao.

ADVERTISEMENT

"Siguro 'yung talagang Tarzan na makulit, na laging nagpapatawa, siguro 'yun ang gusto ko na maiwan na alala ng daddy," pahayag niya.

Ilan sa mga pinasikat nilang awitin ang "Mano Po," "Nasaan ang Nanay," at "Pasko ng Ninong Ko."

Pinasikat din nina De Jesus at anak niyang si Baby Jane ang awiting "Paskong Bukol."

Nakatakdang i-cremate ang mga labi ni De Jesus sa darating na Linggo, Setyembre 23.

Ang mga abo niya ay dadalhin sa bayan ng Tarlac na malapit na lugar sa kanyang puso.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.